Calendar
Chairmanship ng mga komite sa Senado magririgodon
NANINDIGAN ang bagong Senate Majority Leader na si Sen. Francis Tolentino na hindi sila magiging sunod sunuran sa anumang dikta ng Malacanang.
“We are not a rubber stamp Senate,”ani Tolentino na mariing pinasinungalingan ang mga ugong ugong na magiging tagasunod na lamang sila ng kasalukuyang administrasyon matapos maupo na bilang bagong Pangulo ng Senado si Senate President Francis Chiz Escudero.
Sinigurado rin ni Tolentino na pinanatili niyang ang pagiging independiente ng Senado. Hindi aniya makatuwiran na sabihin na nasa ilalim sila ng dikta at utos ng Malacanang kung kaya’t nagkaroon ng pagpapalit sa liderato ni dating Pangulo ng Senado na si Senador Miguel Migz Zubiri at naupo na nga bilang kapalit si Escudero.
Kinlaro naman ni Tolentino na hindi totoong may kamay ang kasalukuyan administrasyon kundi ito aniya ay desisyon ng mayorya at pasya ng bawat isa sa mga senador na pumirma.
“At the end of the day it is an individual decision. All decision were really made individually and we signed the paper individually. No such thing as collective signatures. And I think as a co-equal body, we should be cordial with Malacanang . As a matter of fact, kahit sa Supreme Court kanina nandito sila we are cordial as co-equal body. Kasi dapat magkatulungan lahat,” ani Tolentino na nagsabing mismong mga loyalistang senador ni dating Pangulong Duterte tulad nina Senador Christopher Bong Go at Senator Ronaldo Bato dela Rosa ay pumirma din sa manifesto bilang suporta sa pagpapalit ng liderato ni Zubiri pabor kay Escudero.
“Kahit si Senator Bong Go and Senator Ronald Bato, nakapirma din,” giit ni Tolentino.
Para kay Tolentino, naiintindihan niya ang nararamdaman ni Zubiri matapos siyang mapatalsik sa kanyang upuan bilang pangulo ng Senado ngunit sa bandang huli aniya ay dapat lamang silang magtulong tulong bilang magkakasama sa Senado para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
“Let us all move forward. marami tayong naka pending na mga bills na dapat gawin at tapusin. Gaya ng Livestock, Tarrifications, Procurement law, yung ibang nasa period of amendments pa and even the Shariah Law na inaabangan ng mga kapatid natin na Muslim. There are so many pending works that needs our attention,” giit ni Tolentino.
Samantala, kinumpirma din ni Tolentino na magkakaroon ng ilan pagbabago at posibleng ikutan sa mga chairmanship ng mga ibat ibang komite.
“Some of the committee chairs already signify to resign in their chairmanship but the vice chair will take over so tuloy pa rin ang mga hearing na gagawin. Like for example si Senator Jinggoy Estrada who is now the senate president pro tempore, magbabawas siya dahil kanya rin ang Committee on Labor. And for the Commission on Appointment, ino nominate namin si Senator Migz Zubiri to represent us in the Commission on Appointment,” ani Tolentino na nagpahayag ng matinding pasasalamat kay Zubiri at Senador Joel Villanueva.
“It’s a job well done for Sen. Zubiri and napaka sipag din ni Senator Joel Villanueva kaya marami tayong mga natapos sa ilalim ng pamumuno nila,” ani Tolentino.
Sa kanyang pahayag, sinabi rin ni Tolentino na kahit mayroon green light at karapatan sa kasalukuyan si Escudero para patalsikin ang mga inupo niyang tao ay minabuti nitong hindi galawin ang sinuman sa mga ito para naman hindi sila mawalang ng trabaho.
“Pati secretarial staff walang palitan. Very accomodating si SP Escudero which shows his magnanimity and appreciation. Kahit may free hand siya to choose, he opted not to change them,”paglalahad ni Tolentino.
Samantala, napag-alaman naman na ang mga major commitees tulad ng Finance and Account ay bakante na bunga ng inilatag na resignation nina Senador Juan Edgardo Sonny Angara at Sen. Lourdes Nancy Binay.
Si Sen. Grace Poe ang magiging chairperson ng Committee on Finance, at Sen. Alan Peter Cayetano ang siyang magiging Chairperson ng Committee on Accounts.
Matapos ang kanyang pagkakahalal bilang bagong Pangulo ng Senado sa matagumpay na reorganisasyon hiningi naman ni Escudero na samahan siya ng lahat ng kanyang mga kasamang senador sa kanyang adhikain na paglingkuran ang taumbayan lalot nahaharap aniya ang bansa sa maraming pagsubok sa ibat ibang isyu sa kasalukuyan.
Samantala, nagpahayag naman ng matinding suporta si Sen. Alan Peter Cayetano kay Escudero kung saan ay naniniwala siyang maraming magandang bagay ang maidudulot nito para sa sambayanan.
“With all humility but with pride, I nominate someone I respect, admire, and look forward to being our leader and being able to contribute and do my part under his leadership. I respectfully and humbly nominate Senator Francis “Chiz” Escudero as Senate President,” ani Cayetano na siyang nag mosyon para maiupo bilang pinuno ng senado si Escudero sa mismong plenaryo.
Sinabi ni Cayetano na ang bawat isa sa kanila ay magkakatulong tulungan para sa ikabubuti ng bayan at ang pagkakaisa ay inaasahan sa gitna ng pagpapalit ng liderato sa senado.
“We have a very passionate leader and a very prepared leader kung magkakaisa tayo, at sana po ay magkaisa tayo,” hiling ni Cayetano sa lahat ng mga senador.