De Vera

CHED inalis moratorium sa nursing

187 Views

INALIS na ng Commission on Higher Education (CHED) ang ipinatutupad nitong moratorium sa pagbubukas ng mga bagong nursing undergraduate program.

Ayon kay CHED chairperson Prospero de Vera III nagdesisyon ang en banc ng CHED na alisin na ang moratorium na mahigit na isang dekada ng ipinatutupad matapos ang isinagawang pag-aaral.

Makatutulong umano ang pag-alis ng moratorium upang dumami ang kumukuha ng nurse at mapunan ang pangangailangan sa mga ospital.

Ayon pa kay De Vera batay sa datos ng Department of Health (DOH) kailangan ng bansa ng dagdag na 201,265 nurse upang makasunod sa pamantayan ng United Nations’ Sustainable Development Goals (SDGs).

Ayon sa SDG, sa bawat 10,000 populasyon ay dapat mayroong 27.4 nurse. Sa kasalukuyan ay mayroon lamang 90,205 nurse sa bansa malayo sa kailangan nitong 300,470.

Noong Setyembre 2010 ay ipinatupad ng CHED ang moratorium dahil sa dami umano ng eskuwelahan na nagbibigay ng kursong ito at nanganganib na bumaba ang kalidad ng mga nagtatapos na nurse.