Calendar
Cherry White isinuko lisensiya sa LTO
ISINUKO ng social media influencer na si Cherry White ang kanyang lisensya sa Land Transportation Office (LTO) noong Biyernes sa pagdinig ng kasong reckless driving na isinampa laban sa kanya dahil sa viral video habang siya’y nagmamaneho sa Cainta, Rizal.
Ikinatuwa ni Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr. ang aksyon ni White na umamin sa kanyang pagkakamali, humingi ng paumanhin at nakipagtulungan sa LTO Intelligence and Investigation Division sa isinasagawang imbestigasyon.
“Na-appreciate namin sa LTO ang pagpapakumbaba ni Ms. Cherry White. Bilang isang kilalang personalidad sa social media, umaasa kaming maging katuwang siya sa pagsusulong ng kaligtasan sa kalsada,” ani Pua.
Binigyang-diin ni Pua na seryosong usapin ang kaligtasan sa kalsada, lalo na’t taun-taon ay may naitatala pa ring mga malalagim na aksidente.
Sinabi ni White na tatlong buwan na ang nakalipas nang i-post niya sa kanyang Instagram account ang video.
Ikinuwento ni White na nakaranas siya ng matinding pambabatikos online dahil sa naturang video at dahil doon nakapag-post siya ng komento ukol sa LTO personnel na humantong sa hindi magandang biro ukol sa bahagi ng katawan ng mga ito.
Humingi rin siya ng paumanhin sa naturang komento at iginiit na dala lamang iyon ng emosyon dulot ng matinding online bashing.
Sa parehong pagdinig, pinayuhan ni LTO-IID Chief Renante Melitante si White na maging mas responsable sa kanyang mga pinopost, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa kaligtasan sa kalsada.
Nangako siyang magiging maingat sa mga susunod niyang post at maglalabas rin ng pahayag upang paalalahanan ang kanyang followers na huwag tularan ang ipinakita sa viral video.
Binigyan ng LTO hanggang Lunes ang panig ni White upang magsumite ng dokumento ukol sa sasakyang ginamit niya sa nasabing insidente.

