Sara Vice President Sara Duterte

Chief of staff ni VP Sara bumiyahe pa-US

115 Views

Sa halip na dumalo sa pagdinig kaugnay ng confidential fund misuse

BUMIYAHE pa-Amerika ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte sa bisperas ng pagdinig ng Kamara de Representantes kaugnay ng paggastos sa kabuuang P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Napag-alaman nitong Martes ng House committee on good government and public accountability, na kilala rin bilang Blue Ribbon committee, na si OVP Undersecretary Zuleika Lopez ay umalis ng Pilipinas noong Lunes ng gabi papuntang Estados Unidos.

Isa si Lopez sa pitong opisyal ng OVP na pina-subpoena ng komite para humarap at magpaliwanag ukol sa umano’y maling paggastos sa P500 milyong confidential fund ng OVP noong 2022 at 2023.

Ipinagbigay-alam sa komite na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na dumaan si Lopez sa immigration counter ng Ninoy Aquino International Airport-Terminal 1 ng alas-7:31 ng gabi ng Lunes at lumipad ng alas-10:25 ng gabi lulan ng Philippine Airlines flight PR 102 patungong Los Angeles, California.

Nauna rito, hiniling ni Chua sa Department of Justice (DOJ) na isama si Lopez at ang anim na iba pang opisyal sa immigration lookout bulletin kasunod ng mga impormasyong natanggap nito na nagbabalak umalis ang mga ito.

Ang lookout bulletin ay para lang ma-monitor ang indibidwal na lalabas ng Pilipinas at hindi para pigilan ito.

Hindi rin sumipot ang anim na opisyal ng OVP sa pagdinig ng Martes dahilan para magpalabas muli ng subpoena ad testificandum para sila ay humarap o papatawan ng mas mabigat na parusa.

Kabilang dito sina Assistant Chief of Staff at Bids and Awards Committee Chair Lemuel Ortonio, Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta, Chief Accountant Julieta Villadelrey, at dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda at dating DepEd SDO Edward Fajarda.

Ipinapa-subpoena rin sina Budget Division Chief Edelyn Rabago at Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido.

Ang mag-asawang Fajarda ay kilalang aide ng bise presidente at lumipat sa OVP matapos siyang magbitiw bilang kalihim ng DepEd noong Hulyo.

Lima sa anim na iba pang pina-subpoena ang nasa bansa pa batay sa kanilang travel records.

Hindi naman matukoy kung nasa bansa pa si Acosta dahil mayroon itong kapangalan.

Sa mosyon ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, na sinegundahan ni Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ng ikalawang distrito ng Quezon, muling naglabas ng subpoena ang komite sa naturang mga opisyal na apat na beses nang bigong dumalo sa pagdinig.

Hindi naman maintindihan ni Chua kung bakit patuloy na hindi nagpapakita ang naturang mga opisyal sa pagdinig.

“But to accommodate them, and to comply with our three-day rule as pointed out by Congressman Paduano, we will reissue the subpoenas,” sabi niya.

Babala niya na kung hindi pa rin sisipot sa susunod na pagdinig ay papatawan na sila ng mas mabigat na parusa partikular ang contempt order na mauuwi sa pagpapaaresto at pagpapakulong sa kanila.

Ipinunto ni Paduano na kabilang ang three-day rule sa mga idinahilan ng mga opisyal sa kanilang position paper kung bakit hindi sila makakadalo sa pagdinig ngayong Martes.

Dapat ay mailabas at matanggap ang subpoena tatlong araw bago ang pagdinig.

Ayon sa committee staff, naisilbi ang subpoena sa tanggapan ng OVP noong weekend ngunit tumanggi ang legal assistant na tanggapin ito.

Pinagpapaliwanag ng komite ang pitong opisyal sa maling paggamit sa P500 milyong confidential and/or intelligence fund (CIF) ng OVP at dagdag na P112.5 milyon sa DepEd noong ang bise presidente ang kalihim ng kagawaran.

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang halos kalahati ng naturang halaga at dinis-allow pa ang P73 milyon mula sa P125 milyong ginastos ng OVP sa loob ng 11 araw noong huling quarter ng 2022.

Matapos dumalo sa paunang pagdinig ng komite, hindi na sumipot si Vice Presidente Duterte sa mga sumunod.

Sabi ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., senior vice chairman ng komite, binigyan na ng ilang pagkakataon ng komite ang mga opiyal ng OVP para magpakita.

“It’s unfair to us who have been here present and to all those resource persons who have been attending our inquiry. These OVP people have kept insulting us,” aniya.

Sabi ni Abante, susuportahan niya ang mosyon para ipa-contempt ang pito at sila ay ipaaaresto at ipapakulong sa susunod na pagdinig.

“Actually, Chairman Paduano is very kind to them. I would have supported a contempt motion,” dagdag niya.