Calendar

China gumastos sa seminar ng pro-Duterte vloggers
INAMIN ni dating Presidential Communications Office (PCO) Secretary Trixie Cruz-Angeles na nagpondo ang gobyerno ng China sa isang seminar na dinaluhan ng mga pro-Duterte vloggers at social media influencers.
Sa pagdinig ng House tri-committee tungkol sa fake news at online disinformation nitong Biyernes, kinuwestiyon ni Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez si Cruz-Angeles ukol sa seminar ng National Radio and Television Administration (NRTA) ng China, kung saan tinuturuan ang media practitioners mula sa iba’t ibang bansa.
Ipinakita ni Suarez ang litrato ng mga dumalo sa NRTA seminar, kung saan kasama si Cruz-Angeles at iba pang pro-Duterte vloggers.
“You are fully aware that they do conduct training programs for media practitioners mula sa iba’t ibang bansa?” tanong ni Suarez.
Kinumpirma ito ni Cruz-Angeles at inamin na isa siya sa mga naimbitahan.
Ibinunyag niya ang pangalan ng iba pang dumalo sa seminar na ginanap noong Mayo 23 hanggang Hunyo 5, 2023, sa China.
“Myself, Pia Morato, Tio Moreno—who was there as a journalist and I think an information officer—Mr. Mark Lopez and Attorney Ahmed Paglinawan,” sabi niya, ngunit hindi umano niya matandaan ang iba pang pangalan.
Nang usisain kung sino ang nagbayad sa biyahe, inamin ni Cruz-Angeles na fully sponsored ito ng gobyerno ng China, kabilang na ang pamasahe, tirahan at seminar fees.
“Yes, sir,” sagot niya nang diretsahang tinanong kung China nga ang gumastos para sa lahat.
Aniya, ang imbitasyon ay nanggaling mismo sa Chinese Embassy, na regular umanong namimili ng mga kalahok sa ganitong mga programa.
“They conduct these regularly, I understand,” dagdag pa niya, sabay sabing pati mainstream media practitioners ay naimbitahan din sa ibang pagkakataon.
Giit ni Suarez, malinaw na ito ay isang “state-funded activity” ng China para sanayin ang media practitioners, kabilang ang mga vloggers.
Kinumpirma naman ni Cruz-Angeles na itinuro sa kanila ang mga bagong trend sa social media.
“They introduced new techniques in social media such as short-form videos, how to take them and other technical aspects. They also gave a background on China,” aniya.
Nang tanungin kung unang beses niyang dinaluhan ang ganitong seminar, sinabi ni Cruz-Angeles na ito ang una niyang vlogger-focused training pero dati na rin siyang um-attend ng isang Chinese government-sponsored event sa Xi’an bilang bahagi ng cultural exchange program.
“I was in Xi’an for an archaeological seminar,” aniya.
Samantala, kinumpirma rin ng pro-Duterte vlogger na si Mark Anthony Lopez ang kanyang partisipasyon sa nasabing seminar.
“Sir, ‘yan lang po ‘yung na-attendan ko po,” aniya, sabay sabing ito lang ang tanging China-sponsored seminar na nasalihan niya.
Itinanong din ni Suarez kung nakaapekto sa kanilang trabaho ang seminar na dinaluhan nila.
“Would you think that the seminar that you attended affected your perspective or the work that you do?” tanong ng mambabatas.
Ayon kay Cruz-Angeles, hindi ito nakaapekto sa kanyang pananaw sa pulitika dahil pamilyar na umano siya sa kasaysayan ng China.
“The new learning was their teaching of short-form videos – reels, TikTok and one-minute YouTube videos,” paliwanag niya.
Para naman kay Lopez, mas naunawaan niya kung “how China media works.”
Sa huli, tinanggap ni Suarez ang kanilang sagot ngunit may matinding pahayag: “At least inamin po ng ating resource persons na nakinabang po sila doon sa state-sponsored seminar.”
Hinimok din sila ng mambabatas na gamitin ang kanilang bagong natutunan “for the benefit of the Philippines.”