Calendar
Chinese officials ng NGCP, Pinoy partners no show sa House probe
HINDI sumipot sa pagdinig ng Committee on Legislative ng Kamara de Representantes ang mga Chinese national na opisyal ng National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) gayundin ang mga bilyonaryong Pilipino na kanilang partner sa kompanya.
Iniimbestigahan ng komite ang pinapangambahang panganib sa pagkakaroon ng mga Chinese na opisyal ng NGCP na siyang may kontrol sa transmission grid ng bansa.
Sa pagdinig nitong Huwebes, tinanong ni Laguna Rep. Dan Fernandez ang komite na pinamumunuan ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting kung nasaan ang mga miyembro ng board ng NGCP.
“We have invited the chairman of the NGCP Zhu Guangchao, nandito po ba siya ngayon?” tanong ni Fernandez.
Ayon kay Tambunting, si Zhu at iba pang miyembro ng board ay nagpadala ng sulat upang ipaliwanag kung bakit hindi sila nakadalo sa pagdinig.
“So ano pong reasons Mr. [Anthony] Almeda kung bakit hindi sila [mga directors] dumating?” tanong ni Fernandez.
Sinabi ni Anthony Almeda, pangulo at CEO ng NGCP na ang mga Chinese board member ay nasa Beijing kaugnay ng idaraos na Chinese New Year.
Dalawang Filipino-Chinese billionaire ay kapwa vice chairmen ng NGCP.
“Kailan po ang Chinese New Year?” tanong ni Fernandez.
Sagot naman ni Almeda, “On 29th and then they have a special meeting yata every year on January of all.”
“So, hanggang kailan po ang Chinese New Year?,” muling tanong ni Fernandez.
“Twenty-nine yata, Mr. Chair. I’m not so sure of the date because I don’t keep track on the date,” sabi pa ni Almeda.
“So, in the next hearing po natin, I’m sure na makakakarating na po sila. Sana po ay dumating na po sa susunod na hearing,” saad naman ni Fernandez.
Muling pinaimbitahan ni Fernandez ang mga board member ng NGCP sa susunod na pagdinig.
Kinuwestyon din ni Quezon City Rep. Franz Pumaren kung bakit wala ang mga Chinese board member.
“Ang point ko lang dito, Chinese New Year is January 29. So, if they find this hearing very important, ano ba naman to fly back here, attend the hearing, then fly back again to China? Are they trying to avoid the hearing? January 29, Chinese New Year, tama po ba?” tanong ni Pumaren.
Sinabi naman ni NGCP Director Paul Sagayo Jr. na bukod sa Chinese New Year “our Chinese partners, their corporation has an annual meeting yesterday (Wednesday), which they need to attend.”
Dahil sa pagkakaroon ng mga Chinese national sa board ng NGCP, sinabi ni Melvin Matibag dating pangulo ng state-owned National Transmission Co. na hindi na kailangan pang pasukin ng China ang West Philippine Sea upang maukupa ang teritoryo ng Pilipinas.
“Nag-uusap-usap tayo, West Philippine Sea may nakita tayong mga barko ng China na malalaki, ito po hindi na kailangang pumasok pa sapagkat nandito sila sa sistema mismo natin ng ating power grid,” sabi ni Matibag.
Sinabi ni Matibag na dapat ding tutukan ang implikasyon ng pagkakaroon ng mga Chinese officials ng NGCP na siyang may kontrol sa buong transmission system ng Pilipinas.
Ayon sa kanya, ibinasura na ng United Kingdom ang paggamit ng mga Chinese equipment at software service provider sa kanilang transmission grid bunsod ng pangamba na makaapekto ito sa kanilang pambansang seguridad.
Ganito rin umano ang dapat na gawin ng Pilipinas, ayon kay Matibag.
Sa pagdinig, sinabi rin ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines na ang mga proyekto ng NGCP na hindi natapos sa oras ay nakadaragdag sa pagtaas ng presyo ng kuryente na pinapasan ng mga Pilipino.