Calendar
Chiz: Bilisan bayad sa mga pasaherong nabinbin pagsakay sahil sa BI interrogation
NANAWAGAN si Senate President Francis Chiz Escudero sa bagong Commisioner ng Immigration na madaliin ang pagre-reimburse ng mga gastusin ng libu-libong pasaherong hindi nakasakay sa kanilang mga flight dahil sa mga walang saysay na delay na dulot ng mga pre-departure na proseso ng Bureau of Immigration (BI).
Nauna rito, itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Commissioner Joel Anthony Viado bilang officer-in-charge ng Bureau of Immigration.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez, pupunan ni Viado ang puwesto matapos sibakin ni Pangulong Marcos si BI Commissioner Norman Tansingco dahil sa pagtakas sa bansanni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Nilagdaan ang appointment ni Viado noong Setyembre 10, 2024.
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi lamang pagkasibak sa puwesto kundi kakasuhan pa ang mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa pagtakas ni Guo.
Wanted sa batas si Guo dahil sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“‘Ber’ months na, pero ni isang kusing wala pa ring nabayaran sa kahit isang pasaherong naperwisyo.nAng bilis mag-offload, ang bagal naman mag-download ng reimbursement,“ ani Escudero, na dati nang binanggit ang isyung ito sa pagdinig hinggil sa plano ng paggastos ng BI para sa 2024.
Si Escudero ang nagpanukala ng isang espesyal na probisyon sa 2024 General Appropriations Act na nag-aatas ng reimbursement para sa mga pasaherong naiwan ng kanilang mga flight matapos sumailalim sa mahabang interogasyon ng mga tauhan ng immigration dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Ang pagkukuhaan ng pondo sa pagbabayad ng perwisyo sa mga nabinbin na pasahero ay magmumula sa hindi nagamit na koleksyon ng BI na ibinalik sa Bureau of Treasury.
Sa kabila ng “malinaw na tagubilin” ng GAA, sinabi ni Escudero na tila mabagal ang kilos ng mga ahensyang may kinalaman sa pagpapatupad nito.
“Hanggang ngayon wala pang guidelines,“ ani Escudero, kung saan ay sinabi niya Ang paglalahad ng mga opisyal ng Department of Justice na tumugon sa kanyang tanong ukol sa implementasyon ng nasabing probisyon sa isang kamakailang pagdinig hinggil sa plano ng budget ng ahensya para sa 2025.
Sinabi niya na ang pagkaantala na ito “ay tiyak na makakaapekto sa BI” kung hindi pa rin mababayaran ang mga pasahero bago magsimula ang plenary debates ng Senado para sa 2025 pambansang budget sa Nobyembre.
“Sa ngalan ng paglaban sa human trafficking, marami ang di-makatarungang pinagkaitan ng karapatang maglakbay, na tila napapailalim sa kapangyarihan ng mga ‘diyos diyosan’’ sa airport gate,” sabi ni Escudero.
Noong 2022, tumatayang 32,404 na pasaherong Pilipino ang hindi pinayagang magpatuloy sa kanilang mga flight. Mula sa kabuuang ito, 472 lamang ang natuklasang biktima ng human trafficking o illegal recruitment.
“Ang halos 32,000 pasaherong na-offload ay naisiksik sa 177 na makikitid na Airbus jets. Sa dami ng inyong pinahirapan dahil sa hinalang biktima sila ng human trafficking, kakarampot lang ang lumabas na totoong may kaso. May mali sa larawang ito,” dagdag ni Escudero.
Marami sa mga pasaherong hindi nakasakay sa kanilang mga flight ay nagkaroon ng karagdagang gastusin para sa rebooking ng kanilang mga flight, reservation ng hotel, at pagkain.
“Narinig ko mismo ang kalagayan ng mga OFW na bumabalik sa kanilang mga legal na trabaho sa ibang bansa na halos wala nang pera, at ang ilan ay nagiging biglang refugee sa sarili nilang bayan dahil pinagbawalan silang maglakbay ng kanilang mga kababayan,” sabi niya.
Idinagdag niya na ang ganitong uri ng profiling, na nangangailangan ng “job interview-kind of questioning at presentation of credentials,” ay walang lugar sa ating immigration system.
Pinaalala rin ni Escudero na dapat isaalang-alang ng BI na ang mga biyahero ay nasuri na ng mga bansang pupuntahan nila nang mag-apply sila ng visa upang makapasok sa mga nasabing lugar.
“Hayaan nating ‘yung bansang kanilang pupuntahan ang tumingin at magtanong: Meron ka bang pambayad sa hotel? May insurance ka ba? Dahil bago sila inisyuhan ng visa, hiningi na lahat ‘yan ng mga embassies,“ paliwanag ni Escudero.
Dagdag pa niya na hindi dapat magkaroon ng dalawang magkaibang sistema ng immigration sa bansa “kung saan ang mga mayayamang pugante na tumatakas sa batas ay ina-escort papunta sa pribadong jet at yate, habang ang mga ordinaryong tao ay dumadaan sa matinding proseso dahil sa simpleng hinala na hindi sila karapat-dapat maglakbay.”
Sinabi ni Escudero na nananatiling sumusuporta ang Senado sa BI, lalo na sa pagpapalakas ng mga hangganan ng bansa at pagpapahusay sa mga pasilidad na magpapabuti sa seguridad at karanasan ng mga manlalakbay. Nina PS Jun M. Sarmiento & Chona Yu