Cayetano Sina Senators Alan Peter Cayetano at Juan Miguel Zubiri matapos magka-ayos. Source: FB

Chiz: Cayetano, Zubiri tao lang

Chona Yu Sep 25, 2024
13 Views

WALANG nakikitang rason si Senate President Chiz Escudero para disiplinahin sina Senators Alan Peter Cayetano at Juan Miguel Zubiri.

Pahayag ito ni Escudero matapos muntik nang magsuntukan sina Cayetano at Zubiri nang magkainitan sa plenaryo ng Senado.

Sa ambush interview sa Malakanyang, sinabi ni Escudero na tao lang din naman sina Cayetano at Zubiri kaya normal lang na minsan ay tumaas ang emosyon.

May kanya-kanya aniyang opinyon ang mga ito sa kanilang mga adbokasiya.

Isinusulong kasi ni Cayetano ang inihaing resolusyon na isama ang 10 Enlisted Men’s Barrios (EMBO) barangays sa dalawang legislative districts sa Taguig City at munisipalidad ng Pateros at pagdadagdag ng bilang ng mga konsehal sa bawat distrityo sa Taguig.

Kinwestyun ni Zubiri ang Senate Concurrent Resolution No. 23 na isinusulong ni Cayetano dahil hindi naman daw ito bahagi ng agenda ng plenaryo.

Ayon kay Escudero, ang importante ay nagkaayos rin naman ang dalawa at nagkapatawaran rin.

Humingi na rin daw siya ng tawad dahil mahaba ang kanilang mga araw nitong mga nakaraang linggo dahil sa hinahabol na mga panukalang batas. Nina Chona Yu & PS Jun M. Sarmiento