Chiz

Chiz di ipagpipilitan liderato sa ‘Solid 7’

127 Views

MISTULANG walang paghihilom ang sugat ng pagkakahati hati sa Senado kaugnay ng naganap ng Senate coup nuong May 20 na nagpatalsik kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri at siya naman nagluklok sa bagong pangulo ng senado na si Senate President Francis Chiz Escudero.

Ayon kay Escudero, bagamat naiintindihan niya ang nararamdaman ng tinatawag na Solid 7 bloc sa pamumuno ni Zubiri ay hindi aniya pwedeng ipilit sa mga ito ang kaniyang liderato gayundin ang pagbibigay ng mga powerful committees para lamang suyuin ang bawat isa sa mga ito dahil hindi aniya ito makatuwiran at hindi rin magandang tingnan.

Sa isang panayam, sinabi ni Escudero na dapat lamang irespeto ang kanilang mga hinaing at nararamdaman sa kasalukuyan at hindi dapat panghimasukan ng sinuman ang kanilang mga magiging desisyon.

“Sa aking pananaw, panahon lamang ang pwedeng gumamot at magpalamig sa anumang hidwaan o tampuhan na nangyari kamakailan sa amin. Hindi po kailangan na mag-trade tayo ng anumang komite para maisaayos ang anumang sakit at hindi pagkakaunawaan. Ngayon na recess ay mas may oras ang bawat isa sa amin para magpalamig ng ulo at makapag pahinga kahit papaano,” ani Escudero.

Sinabi rin niya na ang dalawang buwan na pamamahinga ay sadyang makatutulong sa bawat isa upang makapag-muni muni lalot sa darating na Huly 7 pa naman aniya ang muling pagbubukas ng dalawang Kongreso.

Bukod kay Zubiri ang tinatawag na Solid 7 bloc ay kinabibilangan nina, Loren Legarda, Joel Villanueva, Joseph Victor Ejercito Nancy Binay, Juan Edgardo Angara, Sherwin Gatchalian, at Nancy Binay na ngayon ay nasa huling termino na sa Senado.

Ang mga nasabing senador ay nagpakita nga matinding suporta kay Zubiri matapos mapatalsik ito sa kanyang upuan bilang pangulo at sabay sabay din na nagbitaw sa kanilang mga tungkulin at sa mga komite na kanilang kinabibilangan nuong nakaraan May 20.

Ani Escudero ang bawat isa sa kaniyang mga kasama ay may karapatang maglahad ng kanilang paniniwala at magsalita ng naaayon sa kanilang nararamdaman at pananaw at dapat lamang aniyang irespeto ito.

“Hindi po napipilit ang paghilom ng anumang sugat. Hindi rin po pwedeng ipilit ang ating mga kagustuhan kaninuman, ” paliwanag pa ni Escudero.

Sinabi nina Villanueva at Ejerctio na hindi pa sila handa upang makipag usap sa kasalukuyang mayorya ng Senado matapos ang naganap na coup.

Inamin ni Villanueva na nag-iisip na ang karamihan sa kanila sa Solid 7 na umanib na lamang kina Senate Minority Leader Senator Aquilino Koko Pimentel at Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros sa pagbubukas ng Senado sa Hulyo.

Sinabi rin ni Villanueva na wala pang konkretong desisyon ang bawat isa sa kanila ngunit ang kanilang galaw aniya ay base sa kanilang konsensiya at kung paano pagsisilbihan ang taumbayan.

Hindi rin katanggap tanggap para kay Villanueva ang isyu ng injury sa paa ni Sen. Ramon Bong Revilla na dahilan upang alisin sa kanyang upuan si Zubiri. Gayunman ay naniniwala siya na maraming bagay ang dapat nilang pag-ukulan ng pansin para sa kapakanan ng bayan.

“The most important thing is how we can be effective in serving the country and our people. We should serve our purpose as elected senators at higit sa lahat maging epektibo sa pagsisilbi sa taumbayan,” ani Villanueva.

Para naman kay Ejercito mas mabuti aniyang hindi na muna magsalita ng kung anuman lalot mataas pa ang emosyon na nararamdaman ng marami sa kanila sa kasalukuyan.

Kinuwestiyon ni Binay kung bakit kailangan pang humingi ng tawad ang ilan sa mga senador sa ginawang pagpapatalsik kay Zubiri lalo’t kung tingin aniya nila ay ito ang tama.

Si Pimentel ay walang nakikitang dahilan para hindi tanggapin ang sinuman kapwa senador na nais sumama sa kanila ni Hontiveros. Hindi rin aniya siya mababagabag sakaling magdesisyon na palitan siya ng sinuman sa mga ito bilang minority leader kung ito ang magiging pasya ng minorya sa kanilang miyembro.

Ayon naman kay Hontiveros, lahat ng nais umanib ay welcome at ipinagmalaki pa niya na bagamat dalawa lamang sila sa minorya ay tahimik aniya silang nakapag tatrabaho at nagagawa ang kanilang sinumpaan para sa mamamayan.

Inaasahan na bilang miyembro ng Menorya, ay matinding pagbusisi ang gagawin ng mga ito sa mga panukala at iba pang trabaho sa lehislatura sakaling sumanib na nga ang Solid 7 sa grupo nina Pimentel.

Samantala, sinabi ni Sen. Cynthia Villar na hindi na bago ang pagpapalit umano ng liderato sa Senado sapagkat ito ay kasama na sa nakaugalian sakaling may mas gusto ang mga miyembro.

Ito aniya ay tanggap na bilang bahagi ng kanilang pagsasama sama kung saan ay mayorya ang siyang mangungusap at pakikinggan at sinuman makakuha ng boto ng mayorya ay siyang uupo bilang pangulo ng senado na dapat lamang aniyang irespeto.