Chiz1

Chiz: Hayaan ang susunod na Kongreso mag-desisyon sa isyu ng impeachment

32 Views

HINIMOK ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang kanyang mga kapwa mambabatas na ituon muna ang natitirang mga araw ng sesyon sa pagtalakay at pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas sa halip na madaliin ang impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon kay Escudero, may anim na araw na lamang ang nalalabi bago magsara ang ika-19 na Kongreso sa Hunyo 30, kaya’t kinakailangang bigyang-priyoridad ang pagpasa ng mga batas at pagkumpirma sa mahigit 300 presidential appointees.

“Mas mahabang panahon para gawin ang totoo naming trabaho na magpasa ng makabuluhang leislasyon at batas,” giit niya sa isang press briefing.

Bagama’t posible pa ring maglabas ng subpoena para sa impeachment complaint, binigyang-linaw ni Escudero na ang anumang paglilitis ay malamang na hindi maisasagawa sa nalalabing sesyon.

“Kung June 11 pinadala [ang summons], June 21 adjourned na rin ng Senado,” paliwanag niya, sabay turo na sa panahong iyon, nasa loob pa ng kanyang response period si Bise Presidente Duterte.

Ipinunto rin ng Senate President na ang susunod na Kongreso na—ang ika-20—ang may kapangyarihang ituloy, baguhin, o ihinto ang proseso.

“No Congress can bind subsequent congresses,” aniya.

Bilang tugon sa mga puna hinggil sa pamamahala ng iskedyul, iginiit ni Escudero na lahat ng mahahalagang hakbang ay kailangang aprubahan ng plenaryo.

“In the end, plenary will decide,” aniya, habang ipinagtatanggol ang pagsunod ng Senado sa kanilang itinatakdang mga patakaran.

Binanggit din ni Escudero ang mga naunang halimbawa ng impeachment trials na ipagpaliban dahil sa praktikal na konsiderasyon, tulad ng kaso ni dating Chief Justice Renato Corona. “Corona hindi nag-convene hanggang pagkatapos ng Christmas break,” aniya.

Sa ngayon, ilang mahahalagang panukala mula sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang hindi pa rin natatapos—kabilang na ang mining fiscal regime, rightsizing ng mga ahensya ng pamahalaan, at mga kontrobersyal na bicameral negotiations.

“Hindi namin papakinggan dito ang mga may suhestiyon na may dalang kulay,” diin ni Escudero.

Dagdag pa niya: “Ang papahinggan lamang namin ay ang sarili naming konsensya, diktado ng kung ano ang pinakamaganda para sa ating bansa.”

Bilang pagtatapos, iginiit ni Escudero ang mas makatwirang landas.

“Finish pending laws, avoid political shortcuts, and let the next Congress decide the impeachment issue—based on law, not pressure.” giit ni Escudero.