Chiz itinutulak na ilibre sa amilyar common area ng subdivision, condo

69 Views

NAIS ni Senador Francis “Chiz” Escudero na ilibre sa real property tax o amilyar ang mga common area ng mga residential subdivision at condominium, na aniya’y makapagpapagaan sa gastusin ng mga pamilyang middle class.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2569 na inihain niya nitong Miyerkules, aamyendahan ang Section 234 ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991 para isama sa mga exempted sa amilyar ang mga common area gaya ng pasilyo, lobby at parke.

“Hindi naman kumikita ang mga lugar na ito, pero pinapatawan pa rin ng buwis. Sa huli, ang mga pamilyang nakatira ang nagbabayad, hindi ang developer,” ani Escudero.

Ayon sa tanggapan ni Escudero, karaniwang ipinapasa ng mga developer sa mga homeowners’ association ang amilyar sa mga common area, kaya tumataas ang buwanang association dues ng mga residente.

Sakop ng exemption ang lahat ng bahagi ng residential condominium o subdivision na itinalaga o kinikilalang common area, basta hindi ito ginagamit sa negosyo o pagkakakitaan. Mananatiling may buwis ang mga espasyong ginawang pang-negosyo. Ang amilyar ay kinokolekta ng mga local government unit.

Sa explanatory note ng panukala, sinabi ni Escudero na ang amilyar sa mga common area ay hindi lamang dagdag-pasanin sa mga may-ari ng bahay kundi maaari ring makapigil sa mga developer na maglaan ng lupa o espasyo para sa mga pasilidad ng komunidad.

Iginiit din niyang madalas na hindi napapasama ang mga pamilyang middle class sa tulong ng gobyerno.

“Madalas silang hindi pasok sa ayuda, pero sila rin ang may pinakamabigat na gastusin buwan buwan,” aniya.

Inaasahan naman ng kanyang tanggapan na bababa ang buwanang dues ng mga nakatira sa condo at subdivision kapag naisabatas ang panukala.

Si Escudero ang chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement. Kailangan pang dumaan sa pagdinig ng komite ang panukala.