Escudero

Chiz kumpiyansa Senado maipapasa mahahalagang batas bago matapos 2024

91 Views

IPINAHAYAG ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang matibay na kumpiyansa na matatapos ng Senado ang lahat ng mga prayoridad na panukalang batas bunga ng pagtutulungan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso .

Ani Escudero, parehong naghahabol ang dalawang kongreso at sabayan na nagtutulungan, partikular ngayong Setyembre 25, na siyang huling araw ng sesyon bago mag-recess.

Binigyang-diin ni Escudero na si House Speaker Martin Romualdez ay optimistiko na matatapos ng dalawang kapulungan ang kanilang obligasyon dahil na rin sa maayos na koordinasyon nang Senado at Kamara .

Layuning matapos ng dalawang kongreso, ani Escudero, ang mahahalagang panukalang batas bago matapos ang taon 2024.

Ang bagay na ito ay kasunod ng mga talakayan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ukol sa estado ng mga prayoridad na panukalang batas.

Inanunsyo ni Escudero na inaasahan ng Senado na maipapasa ang karagdagang limang panukalang batas bago ang bakasyon sa Pasko, bilang dagdag sa 79 na lokal na batas na naaprubahan na.

“We expect five of these bills to be finished and enacted on the part of the Senate and the House before the year ends,” ani Escudero, na binigyang-diin ang patuloy na pangako ng Senado na tugunan ang parehong pambansa at lokal na mga isyu sa pamamagitan ng batas.

Kinumpirma umano ni Romualdez na nauuna na ang Kamara sa kanilang iskedyul sa pagtapos ng mga prayoridad na panukalang batas, na dalawa na lamang ang natitirang batas na kailangang ipasa.

Ipinahayag din nito ang kasiyahan sa masigasig na aksyon ng Senado para magbigay-daan sa mas mabilis na pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas.

Kabilang sa mga binibigyang-pansin ng Kamara ay ang mga pagbabago sa Foreign Investor Long-term Lease at Agrarian Laws. Ayon kay Escudero, “We are seriously working double time.”

Bukod sa mga ito, binibigyan din ng pansin ng Senado ang mga pagbabago sa Universal Health Care (UHC) Law at Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), pati na rin ang pagtatapos ng Department of Water bill.

Parehong nagpahayag ng kumpiyansa ang dalawang lider sa maagap na pagpasa ng 2025 National Budget, na isa sa mga prayoridad na itinakda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Muling iginiit ni Escudero na ang parehong Senado at Kamara ay nakatuon sa pagpapalago ng legislative agenda ng administrasyon.

Sa kabila ng mas maliit na bilang ng mga senador kumpara sa mga miyembro ng Kamara, ipinaliwanag ni Escudero na ang Senado ay gumagana nang episyente at doble kayod sa pagtalakay ng mga prayoridad ng bansa.

“Every member of the Senate has more than two committees to chair… we simply cannot do it as fast as the House does it,” ani Escudero, ngunit tiniyak na ang lahat ng mga prayoridad na panukalang batas ay matutugunan sa natitirang 41 sesyon ng Ika-19 na Kongreso.

Nagpahayag din sina Escudero at Romualdez ng kanilang pagpapahalaga sa pamumuno ng isa’t isa at sa kanilang kooperasyon, na naging mahalaga sa pagtiyak na maipasa ang mga mahahalagang batas para sa kapakanan ng bansa.