Chiz: Panahon na para maging batas panukala na titiyak sa proteksyon ng PH seafarers

58 Views

NANINIWALA si Senate President Francis Chiz Escudero na napapanahon para maging batas ang panukala na titiyak sa proteksyon ng karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong manlalayag o Filipino seafarers matapos ang Samsung taun paghihintay

Nagpasalamat si Escudero kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa suporta nito sa Senate Bill No. 2221 at House Bill No. 7325, o ang Magna Carta of Filipino Seafarers na nakatakdang lagdaan sa Lunes, Setyembre 23, 2024.

“Mahigit kumulang kalahating milyon na Pilipinong manlalayag ang makikinabang sa batas na ito,” ani Escudero.

“Sinisiguro ng batas na ito na walang mapapabayaan na manlalayag na Pilipino kapag may mangyari sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, legal man o medical.”dagdag pa niya.

Ayon kay Escudero, ang mga Pilipinong manlalayag ay mahalagang bahagi ng operasyon ng pandaigdigang industriya ng maritime, dahil kinakatawan nila ang isang-kapat ng lahat ng opisyal at crew sa mga barko sa buong mundo.

“They keep the world’s fleet of ships afloat. It is only proper that they are accorded all the rights and protection under the law,” ani Escudero.

Upang maprotektahan sila mula sa pang-aabuso, binibigyang-diin ng batas ang karapatan ng mga manlalayag tulad ng makatarungang mga termino at kundisyon ng trabaho; karapatan sa pagsasarili at collective bargaining; karapatan sa edukasyon at pagsasanay sa abot-kayang halaga; karapatan sa impormasyon; karapatan ng pamilya o next of kin ng manlalayag na maabisuhan; at karapatan laban sa diskriminasyon.

Ibinibigay din ng batas ang karapatan sa ligtas na paglalakbay, konsultasyon, libreng legal na representasyon, agarang medikal na atensyon, access sa komunikasyon, record ng trabaho o sertipiko ng employment, at makatarungang pagtrato sa oras ng maritime accident.

Tinalakay din ng batas ang mga tungkulin ng isang manlalayag o seafarers, tulad ng pagsunod sa mga kundisyon ng kontrata ng trabaho at ang paniguruhan na pagtupad ng mga tungkulin sa barko.

“Tulad ng mga karaniwang empleyado ng isang kumpanya, nararapat din na malinaw at mahigpit na ipapatupad ang mga karapatan ng bawat isang seafarers kapitan man sila o deck hand. Kung tutuusin ay mas mabigat pa ang mga suliranin ng ating mga manlalayag at karaniwan ay nasa peligro ang kanilang mga buhay. Kaya napaka-importante ng batas na ito para masiguro na meron silang sapat na proteksyon,” ayon kay Escudero.

Kasama sa paghahanda sa kanilang paglalakbay sa karagatan, kinakailangan ng mga manlalayag na kumuha ng medical certificate mula sa mga pasilidad na akreditado ng Department of Health matapos dumaan sa pre-employment medical examination bago sila payagan magtrabaho sa domestic o international na barko.

Ang pagsasamantala ng mga recruiter ay tutugunan din sa pamamagitan ng probisyon na nagsasabing tanging mga lehitimong manning agencies lamang ang papayagang mag-recruit at mag-assign ng mga manlalayag, alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Kinakailangan na ngayon ng isang standard employment contract sa pagitan ng may-ari ng barko at ng overseas seafarer, na magsasama ng impormasyon tulad ng haba ng kontrata, maximum na oras ng trabaho, minimum na oras ng pahinga, benepisyo, kompensasyon para sa mga pinsala o pagkamatay, at separation at retirement pay.

Ipatutupad din ang mga pamantayan sa oras ng trabaho tulad ng walong oras bawat araw at isang araw ng pahinga bawat linggo. Ang mga manlalayag ay entitled din sa bayad na annual leaves.

Obligado rin ang mga barko na magkaroon ng patas, epektibo, at mabilis na grievance o complaint resolution mechanisms na madaling ma-access.

Kung kinakailangan, ang repatriation ng mga manlalayag ay sasagutin ng may-ari ng barko o manning agency. Sa panahon ng epidemya o pandemya, sila rin ang mananagot sa gastusin ng medical care, board, at lodging para sa mga manlalayag na sumasailalim sa isolation o quarantine.