Torre

Chiz pinuri pagkakatalaga kay PNP Chief Torre bilang tamang hakbang

30 Views

CORRECT move and timely.”

Ganito inilarawan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagtatalaga kay Police General Nicolas Torre bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).

Tinawag niya itong isang makasaysayang hakbang na nagpapatibay sa sibilyang kalikasan ng pambansang pulisya.

Ayon kay Escudero, sa pamamagitan ng pagkakatalagang ito, tunay na naipatupad ang diwa ng Republic Act No. 6975—ang batas na ipinasa 35 taon na ang nakalipas upang gawing isang sibilyang organisasyon ang PNP sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Si Torre, isang nagtapos ng Philippine National Police Academy (PNPA), ang kauna-unahang PNPA alumnus na naitalagang hepe ng PNP. Binigyang-diin ni Escudero na ito ay isang makasaysayang simbolo na may malaking kahulugan.

“Mabigat ang nakaatas sa balikat niya para pakita at patunayan na ’yung ginawang batas ng Kongreso may 35 taon ang lumilipas ay tunay nga tama at nararapat,” ani Escudero

Ipinaliwanag niyang ang nasabing batas, na naisabatas noong 1990, ay nagbabawal sa mga nagtapos ng Philippine Military Academy (PMA) na pumasok sa PNP matapos ang isang transition period.

Ayon sa kanya, ang huling PMA class na pinahintulutang maglingkod sa PNP ay nagtapos noong 1992. Mula noon, ang PNPA na ang pangunahing tagapagsanay ng mga opisyal ng pulisya na sinanay para sa sibilyang serbisyo.

Ipinunto rin ni Escudero na ang pag-angat ni Torre sa posisyon ay malinaw na mensahe: na ang layunin ng Kongreso na ihiwalay ang tungkulin ng militar at pulisya ay sa wakas naisasakatuparan.

“Ngayon din naman kasi nagkataon na may senior na PNPA na nakarating sa ranggo na qualified na maging PNP chief,” dagdag niya.

Hinimok din ni Escudero si Torre na ipamalas na ang pamumunong sibilyan ay hindi lamang pagsunod sa batas, kundi isang epektibong modelo para sa modernong pagpapatupad ng batas.

Iminungkahi niyang magiging sukatan ang pamumuno ni Torre ng merit-based leadership at ng kahalagahan ng mga repormang ipinasa mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas.

Sa gitna ng paghahanda ng Ika-19 na Kongreso na aprubahan ang daan-daang appointment bago ito magsara, binigyang-diin ni Escudero na ang pagkakatalaga kay Torre ay namumukod-tangi—hindi lamang bilang isang promosyon, kundi bilang katuparan ng isang matagal nang mithiing lehislatibo para sa isang tunay na demokratikong kapulisan sa Pilipinas.