Chiz1

Chiz sa mga pahayag ni Duterte: Hindi mo pwede ilagay sa kamay mo ang batas

161 Views

NANINIWALA si Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na ang mga pahayag na ginawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay maaaring unang hakbang niya patungo sa pag-ako ng buong pananagutan sa madugong kampanya laban sa droga na naisagawa sa panahon ng kanyang administrasyon.

Ayon pa kay Escudero, bagamat ang kanyang mga pahayag laban sa droga ay hindi na bago lalo’t noong siya ay nasa kapangyarihan pa, binigyang-diin ni Escudero na ang kaibahan ngayon ay ginawa niya ang mga nasabing pahayag sa Senado na “under oath.”

“Ang pinagkaiba kahapon, lahat ng binitiwan niyang salita kahapon ay under oath. Pinanumpahan at sinabi niya na ‘yan ay totoo abot sa kanyang nalalaman na pwedeng magamit kung saka-sakali pabor o laban sa kanya,” sabi ni Escudero.

Sinabi ni Escudero na ang mga pahayag ni Duterte ay naitala, at ang mga transcript ng pagdinig ay ilalabas ng Senado upang maging gabay para sa sinumang interesadong partido at para mapag-aralan ng publiko.

Ipinaliwanag ng pinuno ng Senado na hindi tulad noon, kung saan ipinagtatanggol ng mga tagapagsalita ni Duterte ang kanyang matitinding pahayag tungkol sa pagpatay ng mga personalidad na sangkot sa droga bilang biro lamang.

Sinabi ni Escudero na hindi na maaaring ituring ni Duterte ang kanyang mga sinabi ngayon bilang simpleng biro dahil siya ay nagpatotoo sa ilalim ng kanyang personal na panunumpa sa komite ng Senado.

“I think he is proud of the things he did and said. Hindi niya ikinakahiya ang kaniyang ginawa at sinabi. Maliwanag ‘yun sa kanyang statement kahapon. Ang sinabi niya kahapon ay ‘I am willing to take full responsibility, me, just me.’ Paano mo i-ooperationalize ‘yun na ako lang? So siguro paraan ito ni Pangulong Duterte para i-operationalize ‘yun. Kaya siguro matapang niyang hinaharap, sinasagot at inaamin ang mga bagay na ‘yan,” dagdag ni Escudero.

Ayon pa rin kay Escudero, maliwanag na mismong si Duterte ay nagpaliwanag kung anong ang mga rason at kaugnayan kung bakit ipinatupad ang kanyang kontrobersiyal na war on drugs mula nuong siya ay Mayor pa ng Davao hanggang siyay nahalal bilang pangulo.

“Not a single case has been filed against him, his heads of the Philippine National Police and even the Police Chiefs of Davao,” turan ni Escudero kung saan ay sinabi rin niya na “ “siya (Duterte) ang walang kaso. Lahat ng former Chief PNP at Chief of police ng Davao City ay walang kaso kaugnay sa pagpatay. Ang may mga kaso ay yung mga pulis na tila nakapikit o nakapiring yung mga mata o nakatakip ang mga tenga na sumunod at ginawa yung akala nila na dapat gawin. Sila ang may kaso. Sila ang na dismiss sa serbisyo. At sila ang nakakulong ngayon.”

At base na rin sa narinig mula sa bibig mismo ni Duterte, sinabi ni Escudero na mismong ang dating Pangulo ay nais magbigay ng isang malinaw na mensahe.

At base aniya sa pagkakakilala niya sa dating Pangulo, ito ay maraming desisyon at mga salitang hindi ordinaryo at lubhang nakagugulat para sa marami sa atin.

“He tends to do things that you do not expect. Siguro kaya malakas ang loob niya kahapon ay dahil gusto niya akuin ang responsibilidad dahil sa hinaba-haba ng panahon ang nagbabayad at nakulong at tinanggal sa serbisyo ay iyong mga mabababang pulis at hindi yung mga nasa itaas.Nag utos man o hindi.”ani Escudero.

Bilang isang abogado, binigyang-diin ni Escudero na hindi pinapayagan ng Konstitusyon ang sinuman na akuin ang batas sa kanilang mga sariling kamay, anuman ang motibo o dahilan.

“Ang problema ay ang kauna-unahang probisyon sa Bill of Rights, nakalagay sa Article 3, Section 1 na ‘No person shall be deprived of life, liberty or property without due process of law.’ ‘Yun ang kauna-unahang karapatan na nilagay sa ating Saligang Batas na pinag-aralan ng lahat ng mga abogado kaugnay sa karapatang pantao na dapat galangin, hindi ng sinuman, kundi ng pamahalaan at sino mang nakaupo sa pamahalaan.”.

“Hindi mo pwede ilagay sa kamay mo ang batas. Kahit nga ‘yung gobyerno hindi nilalagay sa kamay niya ang batas, dinadaan niya sa proseso. A civilized government can do nothing less than to provide and ensure due process to anyone and everyone, gaano man kasama, gaano man kabigat sa dibdib natin,” dagdag pa niya.