Chiz

Chiz tatanggihan ang VP post kung ma-convict si VP Sara

19 Views

HINDI tatanggapin ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang pagka-bise presidente kung ialok ito sa kanya sakaling ma-convict si Bise Presidente Sara Duterte. Aniya, conflict of interest ito.

Si Escudero ang presiding officer ng impeachment court na lumilitis kay Duterte.

“Hindi ko tatanggapin sa simpleng rason, conflict of interest. Kami ang nagpapasya, hindi yata tama yun,” sabi ni Escudero sa ika-14 na episode ng kanyang programang “Chiz Wiz: Usapang May Laman.”

Wala pa raw nag-aalok sa kanya ng posisyon. Personal din daw niya itong paninindigan at hindi niya ito ipinapataw sa ibang senador.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Pangulo ang pipili ng kapalit mula sa Senado o Kamara. Kailangan itong kumpirmahin ng mayorya ng dalawang kapulungan, paliwanag ni Escudero.

Itinanggi rin niya na may kinikilingan siya sa kaso. “Wala pa akong desisyon. Hindi pa ako nakakapagpasya,” aniya.

Nagrereklamo raw ang prosekusyon na mas madalas siyang pumabor sa depensa. Ipinunto ni Escudero na nasa prosekusyon ang obligasyong patunayan ang kaso.

“Kaya sorry, mas mabigat talaga ang kamay ng sinumang hukom at hukuman sa prosekusyon dahil sila’y may obligasyon,” wika niya.

Ganito rin daw ang pamantayang gagamitin niya kapag depensa na ang nagpresenta ng ebidensya.

Aminado si Escudero na may epekto ang popularidad ni Duterte. “Factor siya dahil mga pulitiko ang nagdedesisyon, hindi maikakaila yun. Pero, dahil ito ay paglilitis, hindi siya dapat magdikta ng kakalabasan,” sabi niya.

“E di sana nag survey na lang tayo tapos nagbotohan kami ‘di ba? Ba’t pa natin pinagdadaanan ‘tong prosesong ito?” tanong niya.

Ebidensya at batas daw ang dapat maging basehan ng boto ng bawat senator-judge.

Iisang artikulo na lang ang pagbobotohan ng korte matapos iatras ng prosekusyon ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment. Ang natitira ay ang Article II kaugnay ng umano’y unexplained wealth ni Duterte.

Ayon kay Escudero, dalawang beses niyang tinanong ang depensa kung tututol ito sa withdrawal, at hindi ito tumutol. Hindi na rin daw maibabalik ng prosekusyon sa paglilitis na ito ang mga inatras na artikulo.

Niluwagan din niya ang sub judice rule, ang patakarang nagbabawal sa mga partido na talakayin sa publiko ang nakabinbing kaso. Malaya na ngayong magsalita sa labas ng korte ang magkabilang panig tungkol sa mga inatras na artikulo.

Para raw ito sa depensa, na hindi na makasasagot sa mga iyon sa loob ng korte. Ibabalik daw niya ang patakaran kung sasabihin ng depensa na ayaw nila ito.

Binanggit din ni Escudero na iminungkahi noon ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino na agad sumagot ang depensa pagkatapos ng bawat artikulo. Hindi ito pinayagan dahil wala ito sa rules of court at hindi pumayag ang depensa.

“Nakita ko naman yung punto nila pero ngayon looking back na iaatras pala ng prosekusyon ito, parang mali na hindi sila pumayag,” aniya.

Inulit din ni Escudero na siya lang ang tumutol sa mosyon ni Senador Erwin Tulfo na baguhin ang basehan ng pagbilang ng two-thirds na boto. Dahil dito, bumaba sa 14 mula 16 ang botong kailangan para ma-convict si Duterte.

Kung makitaan ng Korte Suprema ng grave abuse of discretion ang pasya, ang Korte Suprema raw ang dapat sundin.

Tinanong din si Escudero kung minamadali ng prosekusyon ang paglilitis. “Posible. Pero sa panig namin, parang hindi naman. Tatlong linggo nga kaming walang trial,” sagot niya.

Sa Nobyembre 9, sisimulan ng depensa ang pagpresenta ng ebidensya. Posible raw matapos ang paglilitis ngayong taon, depende sa dami ng testigo at haba ng cross-examination.

Mahigit-kumulang 10 testigo ang nakalista sa pre-trial brief ng depensa, ayon kay Escudero.