Calendar
Manila Rep. Joel R. Chua
Chua: Ebidensiya ’wag trial by headline
NANAWAGAN si Manila Rep. Joel R. Chua, chairperson ng House committee on good government and public accountability, nitong Linggo na magpakahinahon sa mga pampublikong talakayan hinggil sa mga isyu ng flood control.
Aniya, dapat nakabatay sa ebidensiya at due process ang mga pagdinig, hindi sa tinawag niyang “trial by headline.”
Bilang isang abogado, binigyang-diin ni Chua na ang mga pampublikong pagdinig ay dapat nakatuon sa pagtukoy ng mga katotohanan at pagpapalakas ng pananagutan, at hindi sa paulit-ulit na pagbanggit ng mga paratang na walang dokumentaryong suporta o sinumpaang testimonya.
“Repeating a claim does not strengthen it—evidence does,” ani Chua.
Sinabi niyang dapat ding sundin ang parehong pamantayan sa mga alegasyon laban kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na aniya ay palaging nagpapasailalim sa pagsusuri at naninindigang dapat suriin ang mga paratang laban sa kanya batay sa ebidensiya.
“Due process protects the innocent as much as it punishes the guilty,” dagdag ni Chua.
Samantala, ibinasura ni Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez, ang mga paratang na inihayag sa pagdinig ng Senado, at sinabing bagsak ang mga ito sa harap ng sinumpaang testimonya at kawalan ng dokumento.
Tinukoy ni Fajardo ang testimonya ng kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya, na matapos munumpa ay sinabing hindi pa siya nakapasok sa South Forbes Park, na tuwirang sumasalungat sa pahayag ng dalawang testigo sa Senado na gumagamit ng alyas na “Joy” at “Marie,” na nagsabing nilapitan umano ni Discaya ang sinuman doon o nagbigay ng tagubilin kaugnay ng ari-arian.
“The allegations aired in the Senate are logically and physically impossible,” giit ni Fajardo. “Curlee Discaya testified under oath that he has never entered South Forbes Park, making it impossible for him to have approached anyone there or issued any instruction.”
Nagpasalamat din si Chua kay Senador Ping Lacson, chair ng Senate blue ribbon committee, sa kanyang kamakailang pahayag na kumikilala na walang sapat na ebidensiya upang idiin si Romualdez sa kontrobersiya sa flood control, at tinawag ang pahayag na isang makatotohanang paglilinaw na nakatutulong sa tamang talakayan.
“Sen. Lacson himself said there is no enough evidence. That is a factual statement,” saad ni Chua.
Dagdag niya, ang mga pahayag na nakabatay sa ebidensiya ay nakatutulong upang manatiling nakatuon ang diskurso at maiwasan ang haka-haka na lumalamon sa mga napatunayang katotohanan.
Ayon pa kay Chua, kung may ebidensiya, dapat itong iharap at suriin sa tamang legal at institusyonal na proseso, ngunit nagbabala laban sa pagbanggit ng pangalan ng mga indibidwal sa pampublikong forum kung walang patunay.
“If evidence exists, present it. If none exists, stop naming people,” aniya.
Sinabi ni Chua na dapat nakatuon na ang mga talakayan sa flood control projects sa pagpapalakas ng mga sistema, safeguards at implementasyon, at hindi sa personal na paratang.
“Flood-control issues should be resolved through reforms, not scapegoating,” aniya.
Binigyang-diin ni Chua na nananatiling nakatuon ang Kamara sa oversight at accountability at patuloy na gagampanan ang tungkulin nito na nakabatay sa ebidensiya, due process at institutional restraint.
Sa parehong pagdinig ng Senate blue ribbon committee noong Lunes, kinilala ni Lacson na ang testimonya na iniharap ay hindi sapat upang idiin si Romualdez.
“I repeat hindi ito enough, itong information is not enough to implicate, not even implicate the former Speaker. This is just, we may just consider this as a lead kasi mayroong connection but of course, dineny naman ni Curlee Discaya so let’s leave it at that,” sinabi ni Lacson sa hearing.
Nauna rito, mariing itinanggi ni Discaya ang mga paratang at sinabi sa Senado: “Hindi pa kami nakakapasok sa South Forbes Park. Hindi namin alam kung [ano’ng] itsura ng mga bahay diyan.”
Ang mga pahayag ay kasunod ng testimonya ng dalawang testigo na tauhan ng dating nangungupahan sa isang ari-arian sa South Forbes Park, na nagsabing nagpakilala umano si Discaya bilang kontratista, binanggit si Romualdez bilang umano’y bumibili, at humiling na lisanin ng mga nakatira ang lugar.
Sa naganap na pagdinig, wala pang naipresentang deed of sale, kontrata o tala ng bayad na naglalaman ng pangalan ni Romualdez.
Ipinakita rin ng mga rekord na si Romualdez ay hindi nangungupahan, hindi may-ari at hindi bahagi ng anumang transaksyon kaugnay ng ari-arian.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng Senado sa isang alitang may kinalaman sa hindi pag-renew ng lease.
Itinala ni Lacson sa rekord na ang impormasyong ibinigay ng mga testigo ay hindi sapat upang idiin ang dating Speaker, lalo na matapos ang sinumpaang pagtanggi ni Discaya.

