Chua Manila Rep. Joel Chua

Chua: Komite siniguro lahat ng pagkakataon kay VP Sara na ibigay ang panig

64 Views

PINASINUNGALINGAN ng chairman ng House committee on good government ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na isang beses lang itong inimbita sa imbestigasyon kaugnay ng kuwestyonableng paggastos nito sa P612.5 milyong confidential fund.

Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, nagsikap ang komite na maibigay kay Duterte ang imbitasyon sa pagdinig.

“The committee has gone above and beyond to make sure she has every opportunity to present her side,” ayon kay Chua.

Iniimbestigahan ng komite ni Chua ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd), na dating pinamunuan ni Duterte.

Taliwas sa pahayag ni Duterte na isang beses lamang siyang inimbitahan, nilinaw ni Chua na siya ay inimbitahan sa una at ikalawang pagdinig na ginanap noong Setyembre 18 at 25.

“She declined to attend the third, fourth, and fifth hearings scheduled on Oct. 17, Nov. 5, and Nov. 11, after submitting a formal letter stating she would not be present,” giit ni Chua.

Sa liham na may petsang Setyembre 23 na ipinadala kay Chua, tumangging dumalo si Duterte sa mga sumunod na pagdinig, binanggit ang mga isyung konstitusyonal at sinabing hindi na kailangan ang imbestigasyon dahil maaaring beripikahin ang mga paratang sa pamamagitan ng mga pampublikong rekord.

Pinuna rin ni Duterte ang mga panuntunan ng Kamara, na aniya’y posibleng nilalabag ang mga karapatang itinakda ng Konstitusyon. Binanggit din niya na ang mga parehong isyu ay nakabinbin na sa Korte Suprema.

Sa pagdinig ng House quad committee noong Miyerkules, kung saan dumalo ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, personal na ibinigay sa Bise Presidente ang imbitasyon para sa ika-anim na pagdinig na nakatakda sa Nobyembre 20.

Subalit sa isang press conference sa Senado noong Huwebes, sinabi ni Duterte na wala siyang natanggap na iba pang imbitasyon matapos dumalo sa unang pagdinig.

Sinabi rin ni Duterte na sinayang lamang ang kanyang oras nang dumalo ito sa unang pagdinig at hindi tinanong.

Sa unang pagdinig noong Setyembre 18, tumanggi si Duterte na manumpa na magsasabi ng totoo kaya hindi na nag-atubili ang mga kongresista na siya ay tanungin.

Mariing itinanggi ni Chua ang mga sinabi ni Duterte sa mga ginawang hakbang ng komite, at paulit-ulit na sinabi ang pagsisikap upang matiyak ang kanyang presensya at paglahok sa pagdinig.

“The Vice President has been given every opportunity to clarify the use of public funds in her office, particularly those that are shielded from typical auditing processes due to confidentiality,” ayon kay Chua.

Dagdag pa niya: “The House Blue Ribbon Committee is committed to transparency — especially for officials with substantial access to public money. The public deserves clear answers, and we expect all officials, especially those at the highest levels, to step forward and explain their spending.”

Sa nalalapit na pagdinig sa Nobyembre 20, iginiit ni Chua na ito ay isang mahalagang pagkakataon para kay Duterte na diretsahang sagutin ang mga tanong ng komite.

“We have done our part to ensure she has a platform to address these issues in full view of the public. Now, the choice is hers: attend and clarify, or refuse and raise further doubts,” ayon kay Chua.

Ayon kay Chua, nakatuon ang komite sa pagtupad ng tungkulin nito na tiyakin ang transparency at pananagutan para sa kapakanan ng publiko.

“The House remains steadfast in its responsibility to protect taxpayer money,” saad nito. “We trust that the Vice President will take this opportunity to directly address the public’s concerns, as every official entrusted with public funds should.”

Sa kanyang press conference noong Biyernes, ipinahayag ni Duterte na hindi na siya dadalo sa mga susunod na pagdinig at balak na lamang magsumite ng affidavit tungkol sa confidential funds ng kanyang tanggapan, na ayon sa kanya ay magiging “under oath.”

Sinabi ni Chua na susuriin ng komite ang affidavit kung ito ay kanyang isusumite, ngunit mas mainam na dumalo siya nang personal upang linawin ang mga isyu.

“We will examine her affidavit if she formally submits it. However, we would prefer her appearance before the committee to clarify all matters related to her confidential funds,” ayon pa kay Chua.