Chua Manila 3rd District Rep. Joel Chua

Chua nadismaya sa ‘selective participation’ ng OVP execs

129 Views

INAKUSAHAN nitong Martes si Vice President Sara Duterte ng pagpigil umano sa mga malalapit niyang tauhan—na sinasabing sangkot sa maling paggamit ng P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP)—na dumalo sa imbestigasyon ng Kongreso.

Ipinahayag ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chair ng House committee on good government and public accountability, ang kanyang pagkadismaya sa hindi pagdalo ng mga opisyal na may direktang responsibilidad sa paghawak ng pampublikong pondo na sinusuri.

“Ang nakikita po namin dito, ang pinapupunta po nila ‘yung mga career officials na sa tingin po namin eh hindi naman po sila ang talagang concerned,” tugon ni Chua sa mga tanong ng mamamahayag sa press conference.

Sa ikalimang pagdinig ng komite noong Lunes, dumalo ang ilang career officials ng OVP—kabilang sina Administrative and Financial Services director Rosalynne Sanchez, chief accountant Julieta Villadelrey, Budget Division chief Edelyn Rabago at chief administrative officer Kelvin Gerome Tenido—matapos ang maraming imbitasyon at subpoena.

Gayunpaman, hindi dumalo ang malalapit na kasamahan ni Duterte, tulad ni OVP undersecretary at chief of staff Zuleika Lopez at special disbursing officer Gina Acosta.

Parehong nagsilbi sina Lopez at Acosta bilang staff ni Duterte noong siya ay alkalde ng Davao City.

Iginiit ng career officials ng OVP na wala silang personal na kaalaman o kinalaman sa mga confidential and/or intelligence funds (CIF), at itinuro si Lopez at Acosta bilang pangunahing may responsibilidad dahil pareho silang kabilang sa malapit sa pangalawang pangulo.

Binatikos naman ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun si Duterte, na sinabi niyang nagpapakita ng “selective participation” upang protektahan ang kanyang malalapit na tauhan mula sa pagdinig.

“Actually, si VP Sara is shielding her inner circle sa accountability. May selective participation, kung sino lang ‘yung gusto nilang ipadala at walang direktang kinalaman ‘dun sa liquidation ng funds ay ‘yun ‘yung pinapadala niya,” ani Khonghun.

Bilang tugon sa pahayag ni Duterte na abala ang ilang opisyal sa paghahanda para sa anibersaryo ng OVP at hindi makadadalo, iginiit ni Chua na nagpadala na sila ng maraming imbitasyon at patuloy itong hindi pinapansin.

Hinahanap ng komite ang mga paliwanag mula sa mga opisyal ng OVP sa umano’y maling paggamit ng P500 milyon na CIF para sa huling quarter ng 2022 at unang tatlong quarter ng 2023.

Itinuro ng Commission on Audit (COA) ang halos kalahati ng kabuuan at hindi pinayagan ang P73 milyon sa P125 milyon na ginastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw sa huling quarter ng 2022.

Nag-isyu rin ito ng Audit Observation Memorandums para sa P375 milyon na ginastos sa unang tatlong quarter ng 2023 na may mga sinasabing iregularidad.