Chua

Chua pinayuhan VP Sara na ‘dapat careful sa mga action’

78 Views

PINULAAN si Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y paglabag sa security protocols ng House of Representatives matapos igiit ang overnight stay para samahan ang kanyang Chief of Staff, Atty. Zuleika Lopez.

Ang insidente ay kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo.

Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability, malinaw ang kawalan ng respeto ni Duterte sa institusyon at mga empleyado nito.

“Para sa akin lang, kasi opisyal tayo, dapat careful tayo sa ating mga aksyon. Dapat ito ay tinitignan natin kasi it will show our character, nagre-reflect ‘yung character natin sa ating mga aksyon,” ani Chua sa isang press conference.

Dagdag pa niya, “Ang sa akin lang, hindi ko naman po masasabi kasi po si Vice President mataas ang pinag-aralan, isa po siyang abogada. So sana ‘yung respeto sa mga tao, lalo sa mga mas maliliit sa kanya, sana ibigay din po niya.”

Paglabag sa protocol

Sinabi ni Chua na nagsimula ang isyu noong Huwebes ng hapon nang dumating ang advance party ni Duterte bandang 2:00 PM. Dumating naman si Duterte bandang 7:45 PM at sinalubong si Lopez sa Visitor’s Center.

Pagsapit ng alas-10 ng gabi, hiniling ng House officials, kabilang si House Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon Taas, na tapusin na ang pagbisita alinsunod sa patakaran. Pansamantalang sumunod si Duterte at sumakay pa sa kanyang convoy.

Ngunit sa halip na umalis, nagtungo umano ang Bise Presidente sa Room 304 ng opisina ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte at nanatili doon hanggang madaling araw.

“By 11:30 p.m., I personally appealed to the protocol and security of the Vice President at Room 304 if they could possibly leave the premises, as there’s always a practice during long weekends that we turn off power in all our buildings,” ani Taas.

‘Selective Compliance’

Tinuligsa rin ni Chua ang umano’y “selective compliance” ni Duterte sa mga proseso ng institusyon. Binanggit niya ang pagtanggi nitong dumalo sa Blue Ribbon Committee hearing tungkol sa confidential funds ngunit nanatili ng mahabang oras sa Quad Committee hearing para samahan ang ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Nakikita naman po natin parang kung kailan lang niya gusto, kung ano lang ang gusto niya, ‘yun lang ang gagawin niya,” ani Chua.

Dagdag pa niya, “Kung tayo mismo hindi susunod sa batas, paano pa natin ipatutupad ang mga batas? Ang atin pong pangalawang pangulo ay isang abogada. Siya po ay pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng ating bansa.”

Justifications tinabla’

Sinubukan ni Duterte na ipaliwanag ang kanyang pananatili sa pamamagitan ng humanitarian grounds, binanggit ang kaligtasan ni Lopez, sariling migraine, jetlag, at emotional stress.

Gayunpaman, tinabla ni Chua at Taas ang mga dahilan, sinasabing hindi sapat ang mga ito upang balewalain ang mga umiiral na patakaran.

“Hindi po namin ma-allow siya dahil unang-una hindi naman po siya detainee,” giit ni Chua. “Pangalawa, high profile po siya, baka po may mangyari po dyan eh kawawa naman po ang ating mga empleyado rito.”

Babala sa special treatment

Nagbabala si Chua na ang pagbibigay ng special privileges kay Duterte ay magdudulot ng impresyon ng favoritism.

“Otherwise sasabihin na may pinapaboran dito. Porke ba’t pangalawang pangulo pinapayagan ninyo? Eh paano naman ang maliliit na tao? Siyempre ang batas naman po natin dapat pantay-pantay,” dagdag niya.

Mariin ding itinanggi ni Chua ang paratang ni Duterte na siya’y biktima ng political persecution, iginiit na ang imbestigasyon ay nakasentro lamang sa accountability at tamang paggamit ng pondo ng bayan.

“Ito pong ginagawa namin, trabaho namin ito. Meron pong ni-refer sa ating committee, ito ay inaksyunan natin. At ang pinag-uusapan po natin dito ay pera ng bayan,” ani Chua. “So wala naman akong nakikita dito na politika. Ang nakikita ko po rito ay may pera nawawala, may kwestyunable po na transaksyon.”

Apela para sa pagrespeto

Samantala, muling nanawagan si Chua sa lahat, lalo na kay Duterte, na sundin ang mga patakaran ng institusyon.

“Ang ating mga empleyado dito kasama na ang ating Sergeant-at-Arms ay ginagawa lang ang kanilang tungkulin at trabaho. Sana po sumunod po tayo sa mga patakaran dahil ito po ay pagpapakita lamang ng respeto sa institusyon,” pagtatapos niya.