Chua

Chua: Utos ng COA na isauli ang P73.287-M na pondo ng OVP, isang seryosong usapin ng pananagutan

62 Views

SINABI noong Miyerkules ni Manila Rep. Joel Chua na ang pagpapatibay ng Commission on Audit (COA) sa notice of disallowance na sumasaklaw sa P73.287 milyong confidential expenses ng Office of the Vice President (OVP) ay nagbubukas ng seryosong isyu ng pananagutan.

Sa pagtestigo sa harap ng House Committee on Justice noong Abril 14, sinabi ng COA na tinanggihan nito ang apela na inihain ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte at iba pang opisyal ng OVP, at pinagtibay ang Notice of Disallowance No. 2024-002-100 na sumasaklaw sa mga gastusin mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

Ayon kay COA official Atty. Gloria Camora, kapag naging pinal ang desisyon, kailangang isauli sa pamahalaan ang nasabing halaga. Kabilang sa disallowed amount ang P69.787 milyon para sa mga reward at P3.5 milyon para sa mga kagamitan tulad ng mga mesa, upuan, computer at printer.

“Hindi po baryang sukli ang ipinapabalik ng COA. Milyones po ito na puwede sanang nagamit pang-ayuda sa ating mga jeepney driver at mga kababayang nahihirapan ngayon dahil sa oil crisis,” pahayag ni Chua.

“Sa panahon ng taas-presyo at hirap ng ordinaryong pamilya, ang P73.287 milyon ay hindi maliit na usapin. Pera ito ng taumbayan. Kapag sinabi ng COA na dapat itong isauli, hindi puwedeng ituring na simpleng administrative detail lamang,” dagdag pa niya.

Binanggit ni Chua na nagmula ang disallowance sa hindi pagsunod sa Joint Circular 2015-01 na sumasaklaw sa confidential at intelligence funds, dahil sa kakulangan ng sapat na dokumentasyon upang patunayan ang mga gastusin.

“Kapag umaabot na sa notice of disallowance at na-affirm pa ng COA, ibig sabihin niyan ay hindi napangatuwiranan nang maayos ang paggamit ng pondo sa ilalim ng umiiral na mga patakaran,” aniya. “Hindi ito haka-haka. Hindi ito tsismis. Isa itong pormal na finding ng isang constitutional body na nagbabantay sa kaban ng bayan.”

Ipinaliwanag niya na ang notice of disallowance ay inilalabas kapag nabigo ang isang ahensya na ipaliwanag ang paggamit ng pondo matapos ang audit review. Dagdag pa niya, bagama’t may mga legal na remedyo pa, nananatili ang naturang finding.

“May due process pa rin. Puwede pa silang dumulog sa Korte Suprema. Ngunit habang may legal na remedyo, may malinaw na finding na nakatayo sa harap ng taumbayan,” ani Chua. “At habang umiiral ang finding na iyon, hindi mabubura ang katotohanang may pampublikong pondong ipinapabalik dahil hindi nasunod ang mga patakaran.”

Idinagdag ni Chua na naglabas din ang COA ng mga notice of disallowance para sa una, ikalawa, at ikatlong quarter ng 2023 confidential funds ng OVP na umaabot sa humigit-kumulang P375 milyon.

“Mas mabigat ang sitwasyon kapag hindi lang isang quarter ang may problema,” aniya. “Kung may affirmed disallowance na sa 2022 at may tatlo pang notices of disallowance sa 2023, malinaw na hindi ito iisang insidente lamang. May pattern na kailangang sagutin at seryosohin.”

Binigyang-diin niya na ang confidential funds ay saklaw ng mahihigpit na patakaran at kinakailangang dokumentasyon.

“Ang confidential funds ay hindi blank check,” sabi ni Chua. “Mas mahigpit ang pamantayan dito dahil mas mataas ang panganib ng abuso. Kapag kulang ang dokumento, kapag hindi mapatunayan ang confidential na katangian ng gastos, at kapag ipinapabalik ng COA ang pera, malinaw na may pagkukulang sa paghawak ng pondo.”

“Sa bawat pisong kinokolekta mula sa mga nagbabayad ng buwis, may pananagutan ang gobyerno na magpakita ng katapatan, disiplina, at ebidensya,” ani Chua. “Sa usaping ito, may karapatan ang taumbayan na magtanong, at may obligasyon ang mga may hawak ng pondo na sumagot.”