Clark hahataw para sa NLEX

Robert Andaya Mar 6, 2022
372 Views

WALANG dapat ipag-alala ang mga fans ng NLEX sa PBA.

Nawala man si NBA veteran KJ McDaniels, kaagad dumating ang kanyang kapalit na si Cameron Clark para makapaghanda sa pagsisimula ng quarterfinal round ng PBA Governors’ Cup.

Tangan ang 8-3 win-loss record, sasabak si Clark at ang NLEX sa quarterfinal round na may bitbit na twice-to-beat advantage laban sa kanilang magiging katunggali.

Ang 6-7 import mula Phoenix, Arizona na nakapaglaro na sa iba’t ibang professional leagues sa Europe at Asia, ay dumating nung Biyernes at kaagad nanood ng laro ng NLEX laban sa Barangay Ginebra sa Smart Araneta Coliseum.

Kasamang nanood ni Clark si NLEX assistant vice president Ronald Dulatre sa laro na kung saan nanalo ang Road Warriors kontra Gin Kings, 115-103.

Nakausap din niya sa dugout sina McDaniels at NLEX coach Yeng Guiao.

Si McDaniels ay nakatakdang bumalik sa US para samahan ang kanyang asawa na magsisilang ng kqnilang anak

“Pinapunta siya (Clark).ng maaga para makita niya yung atmosphere sa PBA, makita niya yung mga teammates niya at kung ano yung nangyayari sa loob ng team,” pahayag ni team captain Kevin Alas sa panayam ng PBA website.

“And good thing na nakapag-scout na siya at nakita nya na ganito pala sa PBA. Iba kasi yung nanonood ka lang sa video,” dagdag ni Alas, na muntik nang maka triple-double sa kanyang 18 points, 10 rebounds, at eight assists sa panalo laban sa Ginebra.

“God-willing makuha niya agad yung mga plays namin at yung chemistry mabuo agad. I believe chemistry is important para sa import at locals.”