Edd Reyes

Clearing ops ng MMDA nababalewala sa maraming kadahilanan

Edd Reyes Jan 29, 2025
23 Views

HIRAP talaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mapanatiling maluwag sa daloy ng trapiko sa mga lansangan sa Metro Manila dahil sa napakaraming kadahilanan.

Kabilang na rito ang mga pasaway na motorista, pagkukumpuni sa mga lansangan, ang walang patumanggang paghuhukay ng mga pribado at pampublikong kompanya o ahensiya ng pamahalaan, illegal parking at illegal terminal ng mga pribado at pampublikong sasakyan, ang kawalan o kakulangan ng mga traffic enforcers at maraming iba pa.

Araw-araw ay nagsasagawa ng clearing operation ang Special Operations Group-Strike Force, na pinamumunuan ni Gabriel Go upang lumuwag ang daloy ng trapiko pero kapag na-clear na nila ang isang kalsada, lalu na ang mga secondary roads, hindi lilipas ang maghapon ay balik na muli sa illegal parking, illegal terminal, at iba pang sagabal sa nilinis na kalye.

Magugunita na naglabas na noon si dating DILG Secretary Eduardo Año ng kautusan sa mga lokal na opisyal ng lahat ng lungsod at munisipalidad sa buong bansa na linisin ang nasasakupan nilang lansangan na ginagamit na alternatibong daan, pati na ng mga bangketa, kung ayaw nilang masampahan ng kaso.

Maging ang mga barangay officials ay naatasang panatilihing malinis sa mga sagabal ang mga primary at secondary roads na kanilang nasasakupan kung nais nilang hindi mapatawan ng kaparusahan lalu’t sila ang nakakaalam kung anong mga lansangan sa kanilang lugar ang ginagamit na alternatibong daan.

Pero sa kasalukuyang panahon, papaano mapapanagot ng mga lokal na opisyal ang kanilang mga pasaway na barangay chairman na pasimuno sa paggamit ng bangketa at lansangan para gawing extension ng kanilang negosyo gayung kailangan nila ang suporta ng mga ito sa kanilang pagtakbong muli sa nalalapit na mid-term election?

Sa ngayon, walang magawa ang MMDA kundi balik-balikan na lang ang mga lansangan na kanila ng nalinis dahil hindi kumikilos ang mga kabesa ng barangay na pasimuno pa nga sa paggamit ng kalsada at bangketa na ginagaya tuloy ng kanilang mga ka-barangay.

Dayo lang sa lalawigan pero sila pa ang pasaway

KAYA pala ang lalakas ng loob na ipagpatuloy ng mga dumadayong operator ng sakla, numbers game, at color games sa lalawigan ng Tarlac ang ilegal na operasyon ay dahil may dalawa pa silang protektor, bukod sa dalawang gumagamit sa pangalan ng mataas na opisyal ng lalawigan.

Mahigpit kasi ang kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad, ilegal na droga at sugal ni Tarlac Provincial Director P/Col. Miguel Guzman dahil ito ang isa sa direktiba sa kanila ni Police Regional Office (PRO) 3 BGen. Jean Fajardo pero sa kabila nito, marami pa ring mga pasaway dahil nga may nagpo-protekta sa kanila.

Dati ay sina alyas “Ricky” at alyas “Python” lang ang umano’y protector pero may dalawa pa pala na sina alyas “Delfin” at alyas “Jaymar” na may kapit daw sa Camp Crame.

Kaya sa halip na matigil ang ilegal na aktibidad sa mga barangay ng Maliwalo, San Miguel, Sapang Tagalog, Tibagan, Mabini, Panampuan, at Bayan ng Sta Ignacia at Victoria na ang operator ay sina alyas “Charlie” at alyas “Quiros, nadagdagan pa dahil mayroon na rin sa bayan ng Capas at Concepcion na pinatatakbo nina alyas “Eugene” at alyas “Ricky”.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].