Zaldy Co

Co ipinaliwanag kay Lagman: P14B budget ibinalik sa hiling ng Comelec

156 Views

PINALAGAN ni House appropriations committee chairman Rep. Zaldy Co si Albay Congressman Edcel Lagman matapos na sabihing ang karagdagang P12-bilyong budget ng Commission on Elections (Comelec) para sa pagsasagawa at pangangasiwa ng eleksiyon, ay gagamitin umanong panggastos sa charter change.

Sa isang pahayag, sinabi ni Co na ang P12 bilyong idinagdag sa P2-bilyong budget ng Comelec ay isinagawa sa kahilingan na rin ng poll body, na ang panukalang P19.4-bilyong budget sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ay tinapyasan ng P17.4-bilyon ng Department of Budget and Management (DBM) bago pa man maisumite sa Kongreso.

“Comelec Chairman George Garcia personally appealed during the budget hearing in Congress to restore their budget. Congressman [Joseph Steven] Caraps Paduano, who presided over that meeting, attests that such request was approved by the committee and reflected in the minutes. Was Congressman Lagman sleeping on the job that he missed it?,” ani Co.

Dagdag pa ng chairman ng appropriations committee, P14-bilyon lamang at hindi ang kabuuang P19.4-bilyon na orihinal na hiniling ng Comelec, ang inaprubahan.

Ang balanse naman aniya na P5.4-bilyon ay isinama sa unprogrammed funds para sa future funding.

“Laking pasasalamat pa nga ng Comelec and Chairman George Garcia to the Bicam team for accommodating their request. Maski sila pa ang tanungin nyo,” giit ni Co.

Pahayag pa ni Co, malisyosong pinalitaw ni Lagman na dinagdagan ng Bicam ng P12 bilyon ang budget ng Comelec para i-finance ang charter change.

“This is another one of his [Lagman’s] wild and irresponsible accusations,” giit pa niya.

Hinamon rin naman ni Co si Lagman na ipakita at patunayan kung paanong ang P14-bilyong pondo ng Comelec, o bahagi man lamang nito, ay magagamit sa pagsusulong o sa pag-finance ng panukalang pag-amiyenda sa 1987 Constitution.

“This is Comelec’s budget. No other agency, not even Congress, can touch or release even one centavo of it. Is Congressman Lagman saying that Comelec commissioners would use those funds for charter change? If he can’t prove it, then he better shut up,” giit pa niya.

Sinabi pa ni Co na sa regular course of business, tumatanggap ang Comelec ng annual appropriations para sa kanilang operasyon at para sa pangangasiwa sa pagdaraos ng mga halalan, o special referendums gaya ng katatapos at natalong cityhood proposal ng San Jose del Monte.

Ang mga mambabatas na pumanaw o natanggal sa puwesto ay kailangan rin aniyang palitan, kaya’t kailangan rin ang special election funds.

“Districts who lose representation for one reason or another deserve to have special elections where they can choose their leaders. That’s the purpose of the budget for the “Conduct and supervision of elections, referenda, recall votes and plebiscites,” dagdag pa niya.