Coco

Coco panay palakpak sa screening ng drama series ni Julia

Ian F Fariñas Nov 23, 2024
92 Views

TODO-SUPORTA si Coco Martin sa real-life partner niyang si Julia Montes sa katatapos na celebrity screening/mediacon ng comeback drama series ng aktres, ang “Saving Grace,” na mapapanood sa Prime Video simula Nov. 28.

Marami nga ang natuwa sa pagiging supportive ng aktor dahil literal na nasa likod siya nito habang nanonood at panay ang palakpak sa sobrang proud sa performance ng GF.

Bukod kay Coco, dumagsa rin ang Kapamilya stars at executives sa Cinema 11 ng Gateway 2 tulad nina Lorna Tolentino, Cherry Pie Picache, Sylvia Sanchez, Rosanna Roces, Cory Vidanes, atbp.

Halos kumpleto naman ang “Saving Grace” cast maliban kay Sharon Cuneta na kasalukuyang nasa US/Canada tour ng “Dear Heart” concert nila ng dating mister na si Gabby Concepcion.

Wala man sa event, umalingawngaw pa rin ang boses ng Megastar sa sinehan dahil siya ang kumanta ng OST na “Hanggang Dulo.”

Kabilang sa mga nagsirampa sa blue carpet ang co-stars nina Julia at Sharon na sina Elisse Joson, Sam Milby, Eric Fructuoso, Adrian Lindayag, child star na si Zia Grace at marami pang iba.

Ang “Saving Grace” ang Pinoy adaptation ng Japanese drama series na “Mother” mula sa Dreamscape Entertainment at direksyon nina FM Reyes at Dolly Dulu.

Sa husay na ipinakita ni Julia bilang si Teacher Anna, hindi malayong mag-uwi muli ito ng acting honors sa susunod na awards season.

Umiikot ang istorya ng “Saving Grace” sa tema ng pagmamahal ng isang ina habang sinasalamin ang reyalidad sa likod ng pang-aabuso sa kabataan at kababaihan.

Masasaksihan ni Teacher Anna at hahamakin ang lahat mabigyan lang ng sapat na pangangalaga at pagmamahal ang estudyante niyang si Grace, na inaabuso ng sariling ina at tiyuhin (Jennica Garcia at Christian Bables).

Bago nga pala mapanood ang Kapamilya adaptation nito sa Prime Video, hinirang muna ang “Mother” bilang most exported title sa Asya nang magkaroon ng sari-sariling bersyon sa iba’t ibang bansa, tulad ng Turkey, South Korea, Ukraine, Thailand, China, France, Spain, Saudi Arabia at Mongolia.

“We are thrilled to announce that ‘Saving Grace,’ our take on the acclaimed Japanese drama ‘Mother,’ is streaming first on Prime Video. This newest feat is a continuous testament to our commitment to showcasing world-class Filipino talent and entertainment to our local and global audiences while engaging them with its heartwarming themes emphasizing the Filipino core values of family and motherhood,” ani Tita Cory.

“Nippon TV’s ‘Mother’ will be the honorable first adaptation of our scripted format in the Philippines, marking a significant milestone in our collaboration with the vibrant Filipino content industry. We commend ABS-CBN for their dedication in bringing this powerful story to life, set to premiere on a global streaming service such as Prime Video, showcasing the universal appeal of ‘Mother’ and celebrating the creativity and talent within the Filipino entertainment landscape,” saad naman ng Nippon TV execs na sina Yuki Akehi at Sally Yamamoto.

Unang mapapanood ang “Saving Grace” sa Prime Video, na may dalawang bagong episodes tuwing Huwebes simula Nov. 28.