Garcia

Comelec balak kumuha ng bagong vote counting machine para sa 2025 elections

164 Views

BALAK ng Commission on Elections (Comelec) na kumuha ng bagong vote counting machine para sa isasagawang mid-term election sa 2025.

Ayon kay Comelec chairperson George Erwin Garcia ang nais ng ahensya ay magkaroon ng Fully Automated System with Transparency Audit and Count (FASTrAC).

Upang matiyak na mabibilang ang lahat ng boto, nais ng Comelec na magkaroon ang bagong makina ng Upgraded Optical Mark Reader (OMR) at Direct Recording Electronic (DRE) capability.

Kung sa nakalipas na halalan ay kailangan upang kulayan ang bilog sa balota, isa umano sa tinitignan ng Comelec ay gawing stamping ang pagmarka.

“Kasi pag shine-shade mayroon pang issue ng 50 percent, 25 percent. Sasabihin kapag hindi daw 50 percent hindi na bibilangin ng machine…ngayon po hindi na, tatak lang,” paliwanag ni Garcia.

Pagpasok umano ng balota, ito ay lilitratuhan ng makina at makikita sa screen ng botante.

Ang mga DRE o touchscreen system ay gagamitin naman umano sa overseas voting.

Kung sino umano ang mananalong kompanya na magsu-suplay ng makina ay ito na rin ang panggagalingang ng papel, pang-stamp at iba pang kailangan sa pagboto at pagbibilang.

Sinabi ni Garcia na ang bagong makina ay dapat mayroong transmit to all feature o ang resulta ay ipadadala ng magkakasabay sa majority party, minority party, citizens’ arms, Congress, media, at central server ng ahensya. Sa nakaraang eleksyon ang resulta ay ipinapadala sa transparency server.

Sa eleksyon sa 2025 ay inaasahan umano na aabot sa 71 milyon ang boboto sa 127,000 presinto sa buong bansa.