Erice

Comelec di kinatigan si Erice

60 Views

NABIGONG magsumite ng ebidensya sa kanyang mga paratang si dating Liberal Party stalwart at Caloocan Rep. Edgar Erice laban sa Commission on Elections (Comelec) at Miru Systems, na dahilan kung bakit idineklara ng Comelec Second Division na pawang paninira lamang ang mga pahayag ni Erice.

Sa desisyong inilabas noong Nobyembre 26, sinabi ng Comelec na malinaw na lumabag si Erice sa Section 261 (z) (110) ng Omnibus Election Code dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon na nakasisira sa integridad ng halalan.

Ang tatlong komisyoner ng 2nd Division—Marlon S. Casquejo, Rey E. Bulay at Nelson Celis—ay nagkakaisang nagpasiya laban kay Erice matapos pag-aralan ang petisyong isinampa ni Raymond Salipot.

Ayon sa Comelec, ang mga ebidensya laban kay Erice ay nagpapakita ng “sistematikong pagpapakalat ng hindi napatunayang impormasyon na direktang sumisira sa tiwala ng publiko sa Comelec at sa proseso ng eleksyon.”

“Ang ganitong gawain ay hindi maituturing na lehitimong kritisismo kundi malinaw na tangkang guluhin ang eleksyon,” ayon sa Comelec.

Sa ilalim ng Section 261 (z) (110) ng Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapalaganap ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kaguluhan at kawalang-tiwala sa demokratikong proseso.

Pinanindigan ng Comelec na ang desisyon ay hakbang upang tiyakin ang kaayusan at integridad ng halalan.

Ipinagbabawal ng probisyong ito ang sinumang tao na, para sa layunin ng paggulo o paghadlang sa proseso ng halalan o pagpapalaganap ng kalituhan sa mga botante, ay nagpapakalat ng maling at nakakaalarmang ulat o impormasyon, o nagpapasa o nagpapalaganap ng maling kautusan, direktiba o mensahe kaugnay sa anumang bagay na may kinalaman sa pag-imprenta ng opisyal na balota, pagpapaliban ng halalan, paglilipat ng lugar ng botohan o pangkalahatang pagsasagawa ng halalan.

“Malinaw na walang anumang ebidensya na naipakita si Erice maliban sa mga pahayag na ginawa niya sa media. Kaya’t ang mga impormasyong ipinalaganap ni Erice kaugnay sa pangkalahatang pagsasagawa ng halalan ay pawang kasinungalingan,” ayon sa resolusyon ng Comelec.

Habang may mga dokumento si Comelec Chair George Garcia na nagpapatunay ng kanyang integridad, si Erice ay walang naipakitang kahit anong pruweba.