COMELEC

Comelec itinanggi na P12B ibinalik na budget ng Kongreso para sa Cha-cha

155 Views

ITINANGGI ng Commission on Elections (Comelec) na sa charter change gagamitin ang P12 bilyong pondo na ibinalik ng Kongreso sa ahensya.

“Definitely,” sagot ni Comelec chairman George Garcia ng tanungin kung walang kaugnayan ang naibalik na P12 bilyong budget ng ahensya sa cha-cha. “In the first place, nung binigay po ‘yan wala naman ‘yung mga alingasngas tungkol sa people’s initiative.”

Ayon kay Comelec chairman George Garcia umapela ang ahensya sa Kongreso na ibalik ang tinapyas na budget dito.

Nagpanukala umano ang Comelec ng P19.4 bilyong budget para sa 2024 subalit ang ibinigay lamang dito sa ilalim ng National Expenditure Program ay P2 bilyon.

Nang talakayin ng Kongreso ang budget umapela umano ang Comelec na ibalik ang P17.4 bilyong tinapyas.

“Nung binigay po ‘yan dahil doon sa hinihingi namin na karagdagdan talaga na again P17.4 billion ‘yung nawala sa amin na hinihingi ibalik sana,” sabi ni Garcia.

Sa bicameral conference committee ay naibalik ang P12 bilyon na natapyas sa Comelec at ang nalalabing P5.4 bilyon ay napunta sa unprogrammed appropriations na mapopondohan lamang kung magkakaroon ng sobrang pondo ang gobyerno sa inaasahan nitong kikitain o kaya ay uutang.

Naghahanda na ang Comelec para sa isasagawang eleksyon sa 2025.

Matatandaan na naglabas si Albay Rep. Edcel Lagman ng pahayag na nag-uugnay sa idinagdag na pondo sa Comelec sa cha-cha.