Garcia

Comelec may dagdag honoraria sa gurong kasali sa pilot test ng early voting

Neil Louis Tayo Jun 16, 2023
175 Views

MAGBIBIGAY ng dagdag na honoraria ang Commission on Elections (Comelec) sa mga guro na kasali sa isasagawang pilot testing ng early voting para sa mga bulnerableng sektor.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia nais ng ahensya na mabayaran ang mga guro sa kanilang gagawing dagdag trabaho para sa October 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ang early voting ay gagawin upang hindi na sumabay sa araw ng halalan at mas mahirapan ang mga botanteng senior citizen, may kapansanan, at buntis.

Ang mga guro na magtatrabaho bilang board of election inspector sa halalan ay makatatanggap ng P8,000 hanggang P10,000 honorarium.

Hindi gaya ng national elections, manu-mano ang bilangan sa BSKE.

Sinabi rin ni Garcia na isasagawa ang pagsasanay ng mga guro na magsisilbi sa paparating na halalan sa Agosto.

Ipinasusumite na ang Comelec ang listahan ng mga guro na magsisilbi sa naturang halalan.