Sunog Source: GMA News FB video

Commonwealth Market nasunog ng 7 oras, 100 tenants nawalan ng stalls, paninda

41 Views

MAHIGIT 100 stalls sa Commonwealth market ang naabo dahil sa mahigit pitong oras na sunog noong Martes.

Sa report ng Quezon City Fire Department, bandang alas-2:30 ng madaling araw nagsimula ang sunog sa basement ng dry goods section ng palengke kaya kanya-kanyang salba ng mga paninda ang mga tauhan at may-ari ng mga stalls.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil bukod sa mga mantika mayroon pang mga panindang styro at mga plastic sa pinangyarihan ng sunog.

Sa isang stall pa lamang 200 sako na ng bigas at 500 sako ng asukal na tig-50 kilo kada sako ang nasunog.

Ayon kay Fire Insp. Marvin Mari, hepe ng operations ng QC Fire Department, 100 tenants na may-ari ng mahigit 100 stalls ang apektado ng sunog at halos walang naisalbang paninda ang mga ito.

Inamin ng mga bumbero na hirap sila sa suplay ng tubig kaya tumagal ng pitong oras bago naapula ang apoy dahil sa iisa lamang ang hydrant na malapit sa lugar.

Kailangan pang lumipat sa kabilang bahagi ng Commonwealth Avenue ang mga fire trucks para makapag-karga ng tubig.

Wala napaulat na nasawi o nasaktan sa sunog na umabot sa ikalawang alarma.

Hindi pa alam ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung ano ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng idinulot nitong pinsala.