Jude Acidre

Confi funds di pwedeng alisin totally — Acidre

290 Views

MAYROONG agam-agam si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre sa panukala na alisiin ang confidential funds ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan.

“Hindi naman natin pwedeng alisin totally ang confidential funds specially in some municipalities o LGU or even agencies of government kung saan malaking tulong din ito para sa ginagawa nilang mga aktibidades related sa public order and security or even like anti-insurgency measures,” ani Acidre sa isang press conference nitong Miyerkoles.

Ang pahayag ni Acidre ay sagot sa tanong kung dapat pa bang magkaroon ng confidential funds ang mga LGU, kasunod ng mga pahayag ng ilang bagong halal na opisyal gaya ni dating Vice President at ngayon ay Mayor ng Naga City na si Leni Robredo, na hindi ito kukuha ng naturang alokasyon sa ilalim ng kanyang pamumuno sa siyudad.

Ayon kay Acidre, ang pagpapanatili o pag-alis ng alokasyon para sa intelligence gathering ay hindi dapat ibatay lamang sa mga naging abuso sa paggamit ng nasabing pondo, na tila patungkol sa mga iregularidad na natuklasan ng Kamara sa paggamit ng mahigit P600 milyon confidential at intelligence funds (CIFs) ng mga opisina ni Vice President Sara Duterte.

“Ako honestly, I think personal ko itong opinyon, dapat hindi natin hinuhusgahan ang mga pondo dahil sa mga nang-abuso dito. We have to also learn, we must also be able to ascertain the usefulness and certain mechanism with the merits with the good that they were able to do. And the same is with confidential fund,” ani Acidre.

Sinabi rin niya na may mga lokal na pamahalaan na nangangailangan ng intelligence funds dahil sa kanilang lokal na sitwasyon.

“May LGUs na nakakatulong ang confidential funds specially kung may security threats na nakaloob. Ayaw naman nating gawin one size fits all lahat for all LGUs,” dagdag pa niya.

Iminungkahi ni Acidre ang ilang hakbang upang maiwasan ang pang-aabuso sa paggamit ng intelligence funds sa mga ahensya ng estado at LGUs, kabilang na ang paglalatag ng mas mahigpit na mga rekisito para sa mga humahawak ng ganitong pondo.

“So, ano ang pwede nating hakbang? Ang mga kinakailangan nating hakbang katulad nung mga nakaraan sa 19th Congress, paiitingin mga natin ang mga guidelines sa paggamit ng mga confidential funds. Isa yun, siguro pagsasaibatas nung mga joint memorandum circular na ginagamit yun at pagbibigay ng mas focused na legislation dun sa mga pananagutan ng mga SDOs (special disbursing officers) pati qualification nila. Dun sa paggamit ng fidelity bonds ng ating mga SDOs at lahat ng may custody ng mga confidential funds,” ani Acidre.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng malinaw na legal na balangkas para sa paggamit ng CIFs.

“Marami tayong natutunan na mga gaps, regulatory gaps, practices na kailangang ayusin dun sa hearing nating ng Committee on Good Governance and Public Accountability nung nakaraang Kongreso at yun siguro ang kailangan nating gawin,” sabi pa niya.

“Ang mahalaga lang maisaayos natin ang legal framework at yung pano gagamitin and also to be sure na merong sapat na oversight ang COA for example at even yung mga ibang agencies na may ganitong pananagutan,” diin pa ni Acidre.

Kabilang sa mga natuklasan ng Kamara sa kanilang imbestigasyon sa paggamit ng CIFs ng Office of the Vice President Sara Duterte at Department of Education noong siya ang kalihim, ay ang kahina-hinalang paggastos ng P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw.

Pinuna rin ng Commission on Audit (COA) ang malaking bahagi ng mahigit P600 milyong confidential funds na natanggap ng mga opisina ni VP Duterte na kuwestyunable ang pagkakagastos.