Druglord File photo ng isa sa mga napatay sa madugong war on drugs ng dating administrasyon. Kuha ni JON-JON C. REYES

Confi funds ni Duterte posibleng ginamit sa Duterte war on drugs – Rep. Castro

Jon-jon Reyes Oct 16, 2024
122 Views

NANINIWALA si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na posibleng ginamit ang confidential funds ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte bilang reward ng mga pulis na nakakapatay ng drug suspects, kaya dumami ang mga kaso ng extrajudicial killings (EJKs) sa war on drugs campaign ng kanyang administrasyon.

Sa pagdinig ng House quad committee noong nakaraang Biyernes, tinanong ni Castro si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma tungkol sa umano’y paglabas ng pondo na ginamit para pondohan ang mga EJK.

“You think ‘yung pera po ay isang source ng pinagkukuhanan ng rewards ay ‘yung confidential funds or intelligence funds?” tanong ni Castro.

Hindi naman direktang kinumpirma ni Garma ang alegasyon at sinabing, “Ayoko pong mag-speculate po, your honor.”

Sa naturang pagdinig ay binasa ni Garma ang kanyang sinumpaang salaysay na tuwirang nag-uugnay kay Duterte sa pagsasagawa ng pambansang kampanya na nagresulta sa mga EJK ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.

Ang sinumpaang salaysay ay hindi lamang nagbunyag ng umano’y reward system na mistulang humikayat sa mga pagpatay, kundi nagbigay rin ng detalye sa umano’y papel nina Duterte at ng kanyang malapit na kaalyadong si Sen. Christopher “Bong” Go, sa pangangasiwa at pag-uugnay ng mga operasyon laban sa droga.

Tinutukan ni Castro ang sinasabing daloy ng pondo mula kay Go patungo kay dating Chief Police Col. Edilberto Leonardo ng Criminal Investigation and Detection Group Region 11, pati na rin sa ibang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at mga operatiba mula sa mga ahensya tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Corrections.

“So, makikita natin, Mr. Chair, ang driving factor bakit marami po ‘yung pinatay na mga mahihirap ay dahil may rewards,” ayon kay Castro.

Bagama’t kinumpirma ni Garma ang reward system, hindi naman niya tinukoy kung saan nagmumula ang pondo.

Dagdag pa ni Castro, inugnay niya ang mga pangunahing tauhan na malapit kay Duterte, kabilang sina Go at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ang unang PNP chief sa ilalim ni Duterte, na nangasiwa sa daloy ng pondo.

“Si Sen. Bong Go at Sen. Ronald Bato ay talagang close kay PRRD,” saad ni Castro.

Itinuro naman ni Garma na si Leonardo na siyang nangangasiwa sa pamamahagi ng pondo para sa pabuya, at sinabing limitado ang kaniyang nalalaman hinggil sa detalye nito.

Sa kanyang interpellation, ipinunto rin ni Castro ang mistulang pamimili ng isasama sa listahan ng mga drug suspect gaya ng hindi paglalagay sa pangalan ng negosyanteng si Michael Yang habang isinama naman si Peter Lim, na isa umanong drug lord sa Visayas.

Si Yang, na dati nang nagsilbi bilang economic adviser ni Duterte, ay iniuugnay sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa Mindanao at sa importasyon ng shabu na nahuli sa Pampanga.

Ang palitan ng impormasyon ay nagpatibay sa akusasyon ni Castro na ang mga confidential at intelligence funds ni Duterte ay maaaring nagbigay-pondo sa reward system na konektado sa mga EJK sa kampanya laban sa droga.

Habang hindi tuwirang kinumpirma ni Garma ang koneksyon, ang mga tanong ni Castro ay nagbigay-diin sa mga hinala tungkol sa posibleng maling paggamit ng mga pondo sa ilalim ng administrasyon ni Duterte at ang deadly tactics sa kanyang kampanya laban sa droga.

Inamin din ni Garma na maraming opisyal ang nakakaalam tungkol sa daloy ng pondo ngunit takot magsalita.

“Lahat po sila—lahat po ng officer na nandito po sa loob—alam po nila iyan; public knowledge lang po. Ako lang po ang naglakas loob magsabi,” ayon kay Garma.

Sinabi rin ni Garma sa quad comm na naglalaro mula P20,000 hanggang P1 milyon ang pabuya sa mga nakakapatay ng drug suspect, depende sa kahalagahan ng target.