Calendar
Cong. Arjo emosyonal sa kauna-unahang SODA
MAITUTURING na silent worker o quiet performer si QC (1st district) Congressman Arjo Atayde dahil hindi niya ipinagyabang o ipinasulat ang mga nagawa niya sa loob ng tatlong taon.
Kaya naman marami ang nagulat sa mga ni-report niyang accomplishments sa una niyang State of the District Address o SODA na ginanap sa SM Skydome, SM North EDSA, QC kamakailan.
Bago nagsalita si Cong. Arjo ay naghandog ng panalangin ang tatlong religious affiliations — Katoliko, Islam at Iglesia ni Cristo — para sa muli niyang laban sa midterm elections sa Mayo 12.
Emosyonal na pinasalamatan ng baguhang kongresista ang lahat ng taong tumulong at nagtiwala sa kanya sa local government unit dahil hindi niya raw magagawa ang lahat ng ’yon kung wala silang pagkakaisa.
Siyempre, hindi niya nakalimutang pasalamatan ang mga magulang na sina Art Atayde at Sylvia Sanchez, pati na ang asawang si Maine Mendoza (na hindi nakarating).
PInasalamatan din ni Cong. Arjo sina QC Mayor Joy Belmonte, Vice Mayor Gian Sotto, mga konsehal ng distrito uno at ang kumakandidatong senador na si ACT-CIS Partylist at Deputy Majority Leader of the Philippine House of Representatives Erwin Tulfo.
Anyway, nagulat kami dahil kabisado ni Cong. Arjo ang lahat ng accomplishments niya, pati numero na may supporting visual report.
Kabilang sa mga ni-report niya ang: 11,498 workers assisted through the TUPAD emergency employment program; 1,500 applicants connected to overseas jobs through the Taiwan Job Fair; 1,100 residents trained under TESDA and other livelihood initiatives; 245 small entrepreneurs supported with ₱15,000 in capital via the Sustainable Livelihood Program; 60 dialysis patients a day receiving free treatment at the district’s new facility; at marami pang iba.
Aniya, “On education and youth development, sa pamamagitan ng CHED Educational Assistance, 4,598 mag-aaral ang nabigyan ng suporta para maipagpatuloy ang pag-aaral, a total of ₱2,817,000.00 in cash allowance ang naipamahagi sa 929 senior high school students sa ilalim ng Tulong Eskwela Program.”
Sinusugan ito ni Mayor Joy na ipinagmalaki ang first-time congressman.
“Dito ay nasusubukan ang husay ni Congressman Arjo Atayde, masasabi kong nagiging madali ang aking trabaho dahil meron akong katuwang sa pagtugon at pagkilos sa mga panahong kailangan ng madaliang aksyon,” anang mayora.
Habang pinupunasan ni Cong. Arjo ang kanyang luha, nakita naming teary-eyed din si Ibyang na sobrang proud sa anak.
“One last thing,” anang kongresista, “on a personal note, isa sa pinakamahalagang bagay para sa akin ay ang mga relasyong nabubuo at ang mga tiwalang ibinibigay ng kapwa lalo na at galing ito sa nakararami.
“Mula po nu’ng tayo ay naupo, isa po sa mga bagay na lubos kong ikinatuwa ang unti-unting paghilom ng mga sugat sa pagitan ng magkakaibigan na minsang nagkawatak-watak dahil sa politika pero unti-unting naibalik ang samahan dito sa distrito dahil sama-sama nating ipinaaalala na ang eleksyon ay isang araw lamang, pero ang pagkakaibigan at pagmamalasakit sa isa’t isa ay panghabang-buhay.
“Ang kapangyarihan ay hindi permanente. Ito ay isang pagkakataon at tunay na totoong pagkakataon at responsibilidad na gumawa ng mabuti para sa kapwa, isang oportunidad na mapabuti ang buhay ng iba.
“Patuloy po ako sa aking misyon dito sa distrito uno, ‘di naman po ako perpektong kongresman, may mga pagkukulang (at) may mga bagay pang dapat pagbutihin pero araw-araw kong pinipili na maglingkod dahil naniniwala ako na ang mga taga-distrito uno ay karapat-dapat sa mas maginhawa at mas maayos na buhay.
“Mga kasama, this is just the beginning. Malaki pa po ang aking pangarap para sa distrito, sana tulungan n’yo ako na maipagpatuloy pa natin ito. Sana po ay samahan n’yo kami na muli ng Team Aksyon Agad sa pagbibigay marangal (at) tapat na serbisyo dito sa distrito uno.
“Maraming, maraming salamat, thank you for believing in me, thank you for always being there and it’s been my first term, it’s been a journey, thank you I’m just full of gratefulness, I owe this to each and everyone of you, especially to our constituents na nagbigay po ng tiwala at ang masasabi ko na lang po, I won’t let you down and let’s go for round two,” pagtatapos ni Cong. Arjo. REGGEE BONOAN