Garin

Cong. Janette Garin iginiit sa DOH at FDA na i-regulate ang mga pagkaing may mataas na sodium content

Mar Rodriguez Oct 29, 2022
333 Views

Pagkaing may mataas  na sodium content i-regulate — Garin

IGINIGIIT ngayon ng isang Visayas congresswoman sa Department of Health (DOH) at Food and Drugs Administration (FDA) na kailangan nilang i-regulate ang mga pagkaing ibinebenta sa mga pamilihan o supermarket katulad ng mga cup noodles, instant noodles, instant coffee, canned goods, mga chicheria at iba pang mga kauri nito na nagtataglay o sinangkapan ng mataas na “sodium content”.

Binigyang diin ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st Dist. Cong. Janette L. Garin, dating Health Secretary, na nakaka-alarma at masyado ng nakakabahala ang mga pagkaing naglipana sa iba’t-ibang pamilihan na mayroong mataas na sodium content.

Ipinaliwanag ni Garin na batid niyang naiintidihan at nauunawaan ng publiko ang masamang epekto na maaaring idulot ng mga pagkaing sinangkapan ng mataas na sodium content. Partikular na aniya ang mga cup noodles na kinagigiliwan ng mga Pilipino.

Gayunman, aminado si Garin na bunsod ng labis na kahirapan sa bansa. Hindi talaga maiiwasan na ang mga ganitong pagkain ang kainin ng mga Pilipino dahil ito lamang ang kaya ng kanilang bulsa sapagkat mas mahal ang presyo ng mga masusustansiyang pagkain.

Subalit iginiit nito na hindi porke’t mura ang mga nasabing pagkain ay hindi na rin ito kailangang busisiin at i-regulate ng DOH at FDA o kaya naman ay hayaan na lamang ng dalawang ahensiya na magkasakit ang mga Pilipino bunsod ng mga ganitong pagkain.

Sinabi pa ni Garin na ang paglalagay ng mataas na sodium content sa mga pagkaing labis na tinatangkilik ng publiko katulad ng mga instant noodles, instant coffee at iba pa bilang preservatives ay upang mapatagal ang tinatawag na “shelf life” ng mga ito.

“Sodium acts as preservatives. Pampatagal ng shelf life ng pagkain, mahal kasi ang fresh food because health equity is difficult to achieve dahil ang nutritious food is more expensive,” ayon kay Garin.

Idinagdag pa ng mambabatas na: “This kind of foods should be regulated by DOH and FDA though because they are very unhealthy. Yung iba kasi nating mga kababayan ay ginagawang ulam kagaya ng chicheria dahil sa sobrang kahirapan pero this kind of foods are toxic to the kidney”.