Calendar
Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano tinawag na karumal-dumal pangbo-bomba na naganap sa MSU
TINAWAG na karumal-dumal ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang kagimbal-gimbal na insidente ng pangbo-bomba na naganap sa Dimaporo Gym sa loob ng Mindanao State University (MSU) Campus sa Marawi City na ikinasawi ng apat na sibilyan noong nakaraang Disyembre 3, 2023.
Dahil dito, sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na nakapanlulumo aniya ang naganap na pangyayari sa Marawi City sapagkat pawang mga inosenteng sibilyan ang naging biktima ng taong ang tanging layunin ay maghasik ng terrorismo.
Binigyang diin ni Valeriano na ang kaguluhan sa Marawi City ay isang malinaw na paghahamon sa pamahalaan dahil walang ibang rason ang naganap na pangbo-bomba kundi ang paghahasik ng tensiyon sa Mindanao. Kung saan, ang mga inosenteng sibilyan ang naging “collateral damage”.
“Karumal-dumal at nakagigimbal ang nangyaring pangbo-bomba sa Marawi City dahil puro mga inosenteng sibilyan ang naging biktima. Wala akong ibang dahilan na nakikita dito kundi ang paghahasik ng terrorismo. Taking innocent lives in this manner is a cowardice by the ill-minded,” ayon kay Valeriano.
Mariing kinondina naman ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Mujiv Hataman ang nangyaring pangbo-bomba sa MSU habang nagdaraos ng Misa na tinawag naman nitong hindi makatao sapagkat wala aniyang kalaban-laban ang mga naging biktima ng nasabing trahedya.
Sinabi ni Hataman na walang ibang salita upang ilarawan ang nangyaring karahasan kundi isang uri ng terrorismo partikular na at nagdaraos lamang ng malayang pagpapahayag ng relihiyon ang mga mag-aaral.
Iginiit ng Muslim solon na walang lugar sa isang sibilisadong Lipunan lalo na sa paaralan na hindi naman “battle zone” na ang tanging aktibidades lamang ay ang ipahayag ang kanilang kalayaan sa aspeto ng pananampalataya. Kaya dapat lamang na papanaguyin umano ang mga salarin.