Valeriano

Cong. Rolando “CRV” Valeriano pinayuhan si Castro na magpakatatag

Mar Rodriguez Oct 27, 2023
229 Views

PINAYUHAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano si ACT Teachers Party List Cong. France L. Castro na maging matatag patungkol sa pagsasampa nito ng criminal case laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Quezon City Prosecutors Office dahil sa pagbabanta sa kaniyang buhay.

Sinabi ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na karapatan ng bawat mamamayan na maghain ng kaso laban sa sinomang indibiduwal na naka-agrabyado sa kanila na ginagarantiyahan naman ng Saligang Batas kagaya ng kasalukuyang kinakaharap ni Castro.

Gayunman, binigyang diin ni Valeriano na dahil malaking tao o isang malaking personalidad ang kinasuhan ni Castro kaya kailangan parin nitong mag-ingat upang makamit ang inaasam nitong hustisya.

“Any citizen of this republic has the right to seek justice through the courts. Congresswoman Castro’s case against anyone that threatens her life is her right under the Constitution and our penal laws. It will perhaps be an uphill battle but she needs to be strong and courageous to fulfill this duty to herself and loved ones,” ang pahayag ni Valeriano.

Para naman kay Castro, House Deputy Minority Leader, binigyang diin ng kongresista na magsisimula na ang paniningil ng hustisya laban sa dating Pangulo ngayong wala na siyang immunity bilang dating pinaka-mataas na lider ng bansa.

Sinabi ni Castro na magsisimula na umanong makamit ng mamamayang Pilipino ang hustisya hindi lamang para sa mga naging biktima noong nakaraang administrasyon. Bagkos para sa mga naging biktima aniya ng madugo at brutal na “war on drugs” ng dating Pangulong Duterte.