Singson

Cong. Ronald Singson naghain ng resolution para imbestigahan ang pagtaas ng air fare ng mga airline companies

Mar Rodriguez Sep 11, 2022
168 Views

Imbestigasyon ng pagtaas ng pamasahe ng airline companies isinulong

KAILANGANG imbestigahan ng Kamara de Representantes at makapag-balangkas ng panukalang batas tungkol dito kaugnay sa nakaka-alarmang pagtaas sa presyo ng “air fare” na sinisingil ng iba’t-ibang “airline companies” sa kanilang mga pasahero.

Ito ang nilalaman ng House Resolution No. 307 na isinulong ni Ilocos Sur 1st Dist. Cong. Ronald V. Singson sa Mababang Kapulungan na humihiling na magkaroon ng pagsisiyasat hinggil sa pagtaas sa presyo ng pamasahe na ipinataw ng iba’-ibang “airline companies”.

Binigyang diin ni Singson na alinsunod sa itinatakda ng Republic Act No. 776 na kilala bilang “Civil Aeronautics Act of the Philippines, isinasaad aniya dito na sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aeronautics Board (CAB). Kailangan umanong i-regulate ang “economic aspect” ng aviation na punapabor sa interes ng publiko.

Ipinaliwanag ni Singson na ang ibig sabihin lamang nito ay dapat maging makatarungan at naaayos sa itinatakda ng RA No. 776 ang ipapataw na air fare o pamasahe ng mga “airline companies” na hindi naman magiging mabigat para sa publiko na sumasakay ng eroplano.

Sinabi pa ng Ilocos Sur solon na makikita mismo sa datos na tumaas ang bilang ng mga “local air travel bookings” dahil may mga lugar o destinasyon ang nagsimula ng magluwag ng kanilang “COVID-19 restrictions” at ang iba naman ay inalis na ang mga “restrictions” sa kanilang lugar.

“Airline companies have been allegedly taking advantage of strong consumers demands and seem to have been passing on the high cost of fuel to consumers with higher airfares,” sabi ni Singson.

Idinagdag pa ng kongresista na hindi maitatatwang malaki ang naging epekto ng “Russian-Ukraine conflict” na nag-resulta sa pagtaas ng gasoline. Subalit kuwestiyonable umano kung bakit mas mataas ang air fare sa mga lugar tulad ng Boracay, Siargao, Cebu, Bohol at Palawan kumpara sa mga lugar na mas madalas puntahan ng mga biyahero.