Sandro

Cong. Sandro Marcos ipinagtanggol ng isang Lady Solon laban sa akusasyon ng isang militanteng kongresista

Mar Rodriguez Jul 27, 2022
150 Views

IPINAGTANGGOL ng isang Party List lady solon si Presidential son at Ilocos Norte 1st. Dist. Rep. Sandro Marcos matapos itong akusahan ni Kabataan Party List Rep. Raoul Manuel na kaya lamang nito nakuha ang posisyon bilang House Senior Deputy Majority Leader ay dahil lamang sa pagiging anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Pinabubulaanan ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party List Rep. Margarita “Migs” Nograles ang naging pahayag ni Manuel matapos nitong akusahan ang batang Marcos na kaya lamang nito nakuha ang nasabing puwesto ay dahil sa apelyido nito.

Binigyang diin ni Nograles na dating nagtrabaho ang batang Marcos sa tanggapan ni dating House Majority Leader at kasalukuyang House Speaker Ferdinand “Martin” G. Romualdez kaya hasang-hasa ang kongresista alinsunod sa “House Rules at Rules Procedures” ng Kongreso.

Ikinatuwiran pa ni Nograles na hindi hiningi ni Marcos (Sandro) ang pagiging House Senior Deputy Majority Leader bagkos ay inihalal siya ng mayorya ng mga kongresista. Kung saan, ang kagustuhan ng nakararaming mambabatas ang nangibabaw.

Iginiit ng Party List Lady solon na “overwhelming at unanimous” ang pagkakahalal kay Marcos bilang House Senior Deputy Majority Leader. Kung kaya’t hindi na aniya dapat pang kuwestiyonin ni Manuel kung bakit pinanghahawahan ng batang Marcos ang nasabing puwesto.

“I beg to differ on the claim of Rep. Manuel that Cong. Sandro Marcos only got his position because of his last name and because he is the son of President Marcos, Cong. Marcos has worked with former Majority Leader now Speaker Martin Romualdez and is equipped with the knowledge of the House Rules of Procedures,” pagtatanggol ni Nograles kay Marcos.