Tulfo2

Cong. Tulfo: Marami di sumusunod sa utos ng DOH na di na kailangan ng seniors ng medicine booklet

18 Views

BAGAMAT may kautusan na ang Department of Health (DOH) na hindi na kailangan ng medicine booklet sa pagbili ng gamot ng mga senior citizens pero marami pa ring establisyamento ang hindi sumusunod sa utos nito.

Ayon kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, “Maraming mga seniors ang nagsusumbong sa akin na kung hindi sila pagbentahan ng gamot ay tinatarayan naman daw sila ng tindera”.

“Parang ayaw sundin ng ilang mga botika ang utos ng DOH”, dagdag ni Cong. Tulfo.

Anang mambabatas na tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa ng Bagong Pilipinas, “Kaya nga inalis ng DOH yan ay kadalasan nakalalimutan lang ng mga seniors natin dalhin kaya ang kani-kanilang medicine purchase booklet, tuloy di sila nabebentahan ng kanilang gamot o maintenance meds”.

Batay kasi sa Department of Health Administrative Order (AO) 2024-0017 na inaprubahan ni DOH Sec. Ted Herbosa noong December 2024: Hindi na kailangan magdala ng purchase booklet para sa pagbili ng gamot ang mga senior citizen.

Payo naman ni ACT-CIS Rep. Edvic Yap sa mga senior citizen na hindi binibentahan ng gamot dahil walang dalang booklet, isumbong sa local government unit partikular sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ang mga botika na ito.

Ani Cong. Yap, “Dapat may sanction o multa sa mga di sumusunod sa utos ng DOH”.

Suhestiyon naman ni Tulfo, “Suspendihin ang business permit ng botika o tindahan na pinapahirapan ang mga senior”.