Cong. Tulfo

Cong. Tulfo: P1K monthly ayuda para sa solo parent, dapat regular na maipagkaloob

165 Views

NAIS ni ACT-CIS Cong. Erwin Tulfo na agarang marepaso ang Republic Act 11861 o ang “Expanded Solo Parent Act” upang regular na maipagkaloob sa mga benepisyaryo nito ang kanilang mga benepisyo, na nakasaad sa ilalim ng naturang batas.

Nabatid na inihain ng mambabatas ang House Resolution 1150 sa layuning marebyu ang naturang batas dahil maraming mga single moms o solo parents ang walang natatanggap na ayuda.

Ayon kay Cong. Tulfo, “Yung P1,000 na buwanang dapat ibigay ng mga LGU (local government units) hindi raw naibibigay lalo na yung nakatira sa mga maliliit na bayan o munisipyo.”

Dagdag niya, “ang dahilan ng mga LGU officials ay wala silang pondo pa dito o kulang ang budget nila para sa mga solo parents”.

“Gusto natin malaman ngayon, papaano kung walang budget ang munisipyo, saan na kukunin ang P1K ayuda para sa solo parent kasi nasa batas ito?” pahayag pa ng mambabatas.

Nagpahayag din ng kalungkutan ang neophyte member ng kongreso nang malaman na maraming mga supermarket at mga botika ang hindi nagbibigay ng 10 percent discount sa mga solo parent na nakasaad naman sa batas.

“Kaya we ask the Department of Trade and Industry na ipaalam sa mga business establishments na dapat bigyan ng discount ang mga single moms o solo parents,” dagdag pa ni Tulfo.

“Ayon sa batas, dapat exempted din sa VAT ang mga pinamili ng mga solo parents pero hindi naibibigay sa kanila,” sabi ni Tulfo.

“Gusto natin bisitahin ang batas para sa mga solo parents dahil hindi nila napapakinabangan ito,” dagdag pa ng ACT-CIS 3rd nominee.

Kasama ni Tulfo ang kasamahan sa ACT-CIS Partylist na sina Cong. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo na nag-file ng nasabing resolusyon.