Construction site nakitaan ng putol na binti

28 Views

TUMAMBAD sa mga trabahador sa construction site sa likuran ng school sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City ang putol na binti ng tao noong Miyerkules.

Bandang alas-5:00 ng hapon nadiskubre ang kaliwang putol na binti, ayon sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD).

Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Errika Casupanan, abala ang mga trabahador sa construction site nang mapansin nila ang puting balde na may takip na selyado ng surgical tape at may nakasulat na “ROMANO (L) FOOT.”

Nang buksan ang balde, natuklasan ang putol na kaliwang binti ng lalaki na may habang 49 centimeter at nakabalot ng benda.

Agad na inireport sa mga awtoridad ang insidente para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.

Dumating ang Scene of the Crime Operatives team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Cpt. Michael Jabel at sa imbestigasyon lumilitaw na posibleng pinutol ang binti dahil amoy formalin ang paa.