Calendar

Contempt kakaharapin ng aatake sa Tri-Comm
Babala ni Chairman Paduano sa pro-Duterte vloggers, influencers
NAGBABALA si House committee on public accounts chairman Joseph Stephen “Caraps” Paduano ng Abang Lingkod Party-list sa mga vlogger at social media influencer na humarap sa pagdinig ng House tri-committee na sila ay mahaharap sa contempt kung aatakehin ang komite matapos ang pagdinig.
“Paalala lang po—Section 11 ng ating internal rules, Paragraph F—hindi natin papayagan ang anumang diskusyon o pag-atake, pang-iinsulto sa pagdinig na ito matapos itong isuspinde dahil magiging paglabag ito… mapipilitan kaming i-cite kayo in contempt (undue interference),” sabi ni Paduano.
Sinabi ni Paduano na nangyari na ito noon sa pagdinig ng kanyang komite.
“Nagawa na namin ito sa aking komite nang isang blocktimer mula Cagayan, Bombo Radyo Cagayan, ay ma-cite in contempt dahil pagkatapos ng hearing, inatake niya ang resulta ng pagdinig ng komite. Paalala lang po,” aniya.
Ang joint committee ng Kamara, na binubuo ng committees on public information, public order and safety, at information and communications technology, ay nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig sa Abril 8, bagama’t maaari pa itong baguhin.
Kung magkakaroon ng pagbabago sa iskedyul ay agad itong ipapaalam sa lahat ng inimbitahan, ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, na presiding officer ng pagdinig ng tri-comm noong Biyernes.
Nauna nang hiniling ni Paduano ang pagpapalabas ng subpoena sa 24 na pro-Duterte vloggers at influencers na hindi dumalo sa pagdinig sa kabila ng natanggap nilang show-cause orders.
Kabilang sa mga pinangalanan sina dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy, vlogger Jeffrey “Ka Eric” Celiz at vlogger Allan Troy “Sass” Rogando Sasot.
Kasama rin sa mga sinubpoena sina Alex Distor, Alven Mortero, Claire Eden Contreras, Claro Ganac, Cyrus Priglo, Darwin Salceda, Edwin Jamora, Elmer Jugalbot, Ernesto Abines Jr., Atty. Glen Chong, Jeffrey Cruz, Josmith Medina, Jonathan Morales, Julius Milan Maui, Kester Tan, Lord Byron Cristobal, Maria Florenda Espenilla, Maricar Serrano, Susan Batalla, Mary Catherine Binag at Vivian Zapata Rodriguez.
“Mr. Chairman…may galang po akong inihahain ang mosyon na magpalabas tayo ng subpoena ad testificandum sa lahat ng pangalang binanggit ng chairman,” sabi ni Paduano.
Agad itong sinang-ayunan ni Antipolo Rep. Romeo Acop at inaprubahan ni Pimentel.
“Inaprubahan ang mosyon, at iniuutos ng chair sa committee secretary na magpalabas ng mga subpoena sa mga nabanggit na resource persons,” sabi ni Pimentel.
Dagdag pa niya, mananatili pa rin sa bisa ang mga subpoena na nauna nang inilabas sa 11 indibidwal, kabilang sina Badoy, Celiz at Sasot, na hindi dumalo sa pagdinig noong Biyernes.
“Nais naming ipaalam sa mga nabanggit na nabigyan na ng subpoena na ang subpoena ay nananatiling epektibo,” aniya.