Calendar
Corruption? No way sa ‘kin–DHSUD sec
PINAGTIBAY ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling ang kanyang “zero tolerance” sa corruption dahil simula pa lang ng kanyang panunungkulan wala ng lugar ang anomalya sa kanyang departamento.
Sa talumpati niya sa paglagda ng Memorandum of Agreement para sa pilot rental housing project sa University of the Philippines-Diliman noong Huwebes, sinabi ni Aliling na bago pa lumabas ang mga isyu ng korapsyon sa mga proyektong pampamahalaan gaya ng flood control, nagsimula na ang kampanya ng DHSUD laban sa katiwalian.
“Ang pagsuko sa paglaban sa korapsyon ay pagsuko na rin sa ating bayan. Ang Pilipinas ay hindi dapat sukuan.
Kahit ano ang maging consequence ng ating paglaban sa korapsyon, kahit saan tayo makarating at kahit saan tayo mapadpad, hanggang sa huling segundo ng ating pagsisilbi, hindi natin susukuan ang laban na ito,” sabi ni Secretary Aliling.
Ibinahagi rin ng Kalihim na may mga nagpayong siya’y maghinay-hinay, dahil ang matibay na paninindigan ay maaaring magdulot ng hidwaan at magpaikli ng kanyang panunungkulan.
“Malinaw po ang sabi ko sa mga kasamahan ko sa DHSUD: ang pagsisilbi sa gobyerno ay wala sa haba ng serbisyo.
Ang importante ay ang kalidad ng ating serbisyo na ibinibigay sa ating bayan,” aniya.
Bilang pagpapatibay sa pangakong ito, binanggit ng Kalihim ang pagpapatuloy ng mga reporma, mas pinaigting na internal controls at mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa pamamahala ng pondo at implementasyon ng mga proyektong pabahay at urban development.
Sa pamumuno ni Secretary Aliling, inilagay ng DHSUD sa sentro ng 8-Point Agenda ang laban kontra korapsyon, kung saan nakapaloob ang polisiya ng zero tolerance bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

