Calendar

COS Cesar Chavez isa sa tumulong mamayagpag ‘Bilis Kilos’ ni Yorme Isko
ISA sa maituturing na “alas” ni Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang Chief of Staff at journalist na si Cesar B. Chavez na malaki ang naging papel sa pagpapalaganap ng mga nagawa at gagawin pang mabubuting hakbang ng alkalde sa Lungsod ng Maynila.
Sa maraming kaganapan at pagpupulong na dinaluhan ni Chavez bilang panauhing pandangal at tagapagsalita, hindi niya kinalilimutang banggitin na dati siyang junior reporter ng Philippine Journalist Inc. na lumilimbag ng pahayagang People’s Journal at People’s Tonight bago siya pumasok bilang pinakabatang reporter ng DZRH hanggang sa maging Assistant Vice President at Director for news and public affairs ng Manila Broadcasting Company (MBC).
Ang malawak na karanasan at pinanday na katalinuhan at kahusayan ni Chavez ang naging daan upang hugutin siya ng gobyerno na maglingkod at matalaga sa iba’t-ibang posisyon, kabilang ang pagiging Chairman ng National Youth Commission, Asst. Manager ng MMDA, Asec ng Department of Transportation na kalaunan naging Usec, for Railways ng ahensiya.
Kinuha siya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. bilang Kalihim ng Presidential Communications Office noong Setyembre, 2024 subalit nagbitiw din nitong buwan ng Pebrero 2025 upang tumulong sa kampanya ni Mayor Isko Moreno na nasungkit naman ang landslide victory laban sa mga nakatunggali.
Sa ngayon, namamayagpag, hindi lang sa mga pahayagan, radyo, at telebisyon ang “Bilis Kilos” ni Yorme, kundi higit sa lahat ay sa social media na umaani ng milyong views sa mga netizens at marahil, batid naman ng marami na ang nasa likod nito ay si Chavez at ang kanyang mga staff..
Bagong multi-purpose building, itinayo sa Navotas
ISA na nama palang maayos na pasilidad ang itinayo sa Navotas City para mga kabataang mahilig sa sports, puwede ring pagdausan ng mga pagpupulong at magagamit ng mga residente sa kanilang pagsasanay sa pangkabuhayan at iba pang kaganapan.
Mismong sina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco ang nanguna sa pagpapasinaya sa bagong Tanza Multi-purpose building sa NavotaAs Homes II, Brgy. Tanza 2 na kumpleto ng pasilidad tulad ng malawak na espasyo sa ikalawang palabag para pagdausan ng pagpupuong habang sa ikatlong palapag ang espasyo para sa nais maglaro ng tennis, valleyball, at iba pang indoor activities at parking naman sa unang palapag.
Sinabi ng alkalde na ang gusali ay kumakatawan sa kanilang pangarap, hindi lamang para magpatayo ng pabahay, kundi sa kumpletong komunidad upang mai-angat ang kalidad ng kanilang pamumuhay.
Binigyang-diin naman ni Cong Tiangco ang kahalagahan ng mga pampublikong imprastraktura na aniya ay magpapasigla sa paglahok ng mamamayan sa mga programa ng pamahalaan.
Lungsod na may 10-sunod na taong binigyan ng COA ng malinis na opinyon
SMALL but terrible ang Navotas City dahil sila pa lamang, sa lahat ng mga lungsod sa Kamaynilaan, ang napagkalooban ng Commission on Audit (COA) ng mataas na credit rating ng walang palya sa loob ng isang dekada.
Noong nakaraang linggo lang ay tinanggap ni Mayor John Rey Tiangco ang 2024 COA report kay Venancio Herrera, ang Supervising Auditor ng Navotas Auditing Unit, na sumasalamin sa tapat at mahusay na pamamahala ng alkalde na may disiplina sa paggamit ng pondo at may maasakit sa serbisyo.
Pinasalamatan naman ni Mayor Tiangco, hindi lamang ang mga kawani ng lokal na pamahalaan dahil sa kanilang tapat at mabuting serbisyo, kundi maging ang mga mamamayan na nagbigay sa kanya ng tiwala at suporta.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com