Crising2 Nagtulong-tulong ang mga mangingisdang residente ng Sitio Pulo, Cavite City na itabi sa pampang ang kanilang bangka dahil sa Bagyong Crising umaga ng Sabado. Photo by DENNIS ABRINA

Crising umalis na sa PAR, Signal No. 2 nananatili sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon

31 Views

UMALIS na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Severe Tropical Storm Crising ng alas-10 ng umaga ng Sabado, ayon sa weather bureau.

Sa 11 a.m. advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang sentro ng bagyo ay tinatayang nasa 235 kilometro sa kanluran ng Itbayat, Batanes.

Kumikilos ang Crising pa-kanluran sa bilis na 15 kph na may lakas ng hangin na umaabot sa 100 kph malapit sa sentro at bugso ng hangin na hanggang 125 kph.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa mga sumusunod na lugar:

— Batanes

— Kanlurang bahagi ng Babuyan Islands (Dalupiri Island, Calayan Island)

— Ilocos Norte (Burgos, Pasuquin, Pagudpud, Dumalneg at Bangui)

Nakataas naman ang TCWS No. 1 sa mga sumusunod:

— Natitirang bahagi ng Ilocos Norte

— Ilocos Sur

— Hilagang bahagi ng La Union (Bangar, Sudipen, Luna, Balaoan, Santol, San Gabriel, Bacnotan, at San Juan), Abra, Apayao, Kalinga, at

— Natitirang bahagi ng Cagayan

Ayon sa PAGASA, inaasahan ang minor hanggang moderate na epekto ng malalakas na hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 2, habang minimal hanggang minor na epekto naman ang posibleng maranasan sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1.

“Ayon pa sa ahensya, may mababa hanggang katamtamang panganib ng nakamamatay na storm surge na posibleng umabot sa taas na 1.0 hanggang 2.0 metro sa loob ng 12 oras sa mabababang lugar o baybaying bahagi ng Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, at Ilocos Sur,” dagdag pa nila.

Samantala, magdadala ng malalakas na bugso ng hangin ang southwest monsoon o “habagat” sa mga lugar ng Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Mimaropa, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, natitirang bahagi ng Isabela, La Union, Benguet, Abra, Visayas, Zamboanga del Norte, Camiguin, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Surigao del Norte at Dinagat Islands.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang paggalaw ng Crising patungong kanluran-hilagang kanluran patungo sa timog Tsina sa nalalabing bahagi ng forecast period.

Inaasahan ding lalakas pa ito at maaaring umabot sa kategoryang typhoon pagsapit ng Linggo ng hapon o gabi. Philippine News Agency