Cristy

Cristy di pinagkakakitaan si Bea

Vinia Vivar May 3, 2024
71 Views

“See you in court.”

Ito ang sambit ni Cristy Fermin kaugnay ng cyber libel case na isinampa laban sa kanya ni Bea Alonzo.

Naghain nga ng tatlong magkakahiwalay na criminal cases for cyber libel ang aktres laban kay ‘Nay Cristy at Ogie Diaz sa Quezon City Prosecutor’s Office. Kasama ring sinampahan ng kaso ang co-hosts sa kani-kanilang online programs.

Sa kanyang online program kahapon, nagbigay ng pahayag ang batikang manunulat/radio/TV host tungkol sa kasong kinakaharap.

“Wala pa po akong detalyadong maibibigay sa inyo dahil wala pa po kaming hawak na impormasyon. Hindi pa po namin alam kung anu-ano ba ang nilalaman ng kanyang (Bea) sinumpaang salaysay kung bakit siya nagdemanda ng kasong libelo,” simula ni ‘Nay Cristy.

Karapatan umano ng aktres na magsampa ng demanda at haharapin nila ang kaso.

“Pero napakalayo pa po ng tatakbuhin nitong kasong ito. Magpapalitan pa po kami ng aming sinumpaang salaysay para ang prosekusyon na po ang magdedesisyon kung sino ba ang nasa tama at sino naman ang nasa panig ng mali,” aniya.

Ang korte na ang bahalang magdesisyon tungkol dito, pero isang bagay lang ang nilinaw ni ‘Nay Cristy tungkol sa akusasyon ng kampo ni Bea.

“Hindi lamang po namin matatanggap ni Ogie Diaz ‘yung kanyang kampo sa pagsasabi na ang amin daw pong vlogs ay ginagawa para lamang magkaroon ng mataas na views at pagkakitaan si Bea Alonzo.

“Ang programa po ni Ogie Diaz, ang kanyang vlog at ang Showbiz Now Na (‘Nay Cristy’s vlog), maging ito pong Cristy Ferminute ay dinisenyo hindi lamang po para kay Bea Alonzo.

“Ito po ay para ibalita ang lahat ng kwento, positibo man o hindi, tungkol sa mga personalidad na tinatawag po nating public figures. At bilang pampublikong pigura po sila ay kami naman po ‘yung nagtatawid ng mga balita tungkol sa kanila,” paglilinaw niya.

“Hindi po namin maaaring puhunanin si Bea Alonzo lamang para kumita ang aming mga vlogs. Mali po ‘yun. Lahat ng mga kwento ay inilalatag po namin at depende na lamang po ‘yan sa pagtanggap ng mga personalidad na aming tinatalakay,” dagdag pa niya.

Idiniin din ni ‘Nay Cristy na sa loob ng mahabang panahon ay napakarami niyang pagtatanggol na ginawa kay Bea.

“Ako po ang unang-unang armas, nasa harapan at wala sa likuran, ng pagtatanggol kay Bea Alonzo. Alam n’yo po ang kanyang mga pinagdaanang issue, ako po ang nagbigay ng proteksyon sa kanya. Ako po ang nagtanggol, kinalaban ko po ang lahat para lamang mabigyan ko siya ng magandang pagtalakay at opinyon,” saad ni ‘Nay Cristy.

“’Yung pong lahat ng ‘yon, kapag po ba siya ay nakarinig ng isang bagay na hindi niya gusto at masama sa kanyang panlasa, lahat po ba ng ginawang maganda tungkol sa kanya ng taong nagtanggol sa kanya ng pinakamahabang panahon ay ibabasura na lamang? ‘Yan lamang po ang aking katanungan na gusto ko rin pong marinig naman,” pahayag pa ng veteran writer/host.

Bilang pagtatapos na mensahe ni ‘Nay Cristy kay Bea, aniya, “Kayo ang nagdemanda. Ikaw, Bea, ang nagsampa ng kasong libelo laban sa akin, kay Ogie Diaz at sa aming mga kasama. Ano ang ating sinasabi? We will see you in court.