Calilung Sinasagot ng testigong si NBI Senior Agent John Mark Calilung ang mga tanong ni defense counsel Carlos Narvasa sa cross-examination na isinagawa sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni VP Sara Duterte nitong Hulyo 8, 2026. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Cross-examination ng testigo mula sa NBI witness isinagawa sa 3rd araw ng VP Sara trial

35 Views

NAGPATULOY nitong Miyerkules ang impeachment court sa cross-examination ng unang testigo ng prosecution matapos ang mahabang ikalawang araw ng trial na nakasentro sa teknikal na testimonya tungkol sa videos, pagmamarka ng ebidensya at paulit-ulit na objections ng defense.

Sinabi ni Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol na nag-adjourn ang court matapos tanggapin ang direct testimony ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, ang unang testigo ng prosecution sa ilalim ng Article IV.

Ang Article IV ay tumatalakay sa umano’y grave threats at acts of sedition.

Inaasahan ng court na magtatagal ang cross-examination dahil mahaba ang naging direct testimony ni Calilung at teknikal ang ebidensyang iniharap.

“Because the cross-examination will entail a long time based on our experience as a litigator, we expect that it will take a long time,” sabi ni Tongol.

Nais ng impeachment court na maging compact at efficient ang trial, ngunit maaaring ma-extend ang trial dates depende sa takbo ng testimonya, objections at incidental motions.

Tinanong tungkol sa one-witness-per-day rule, sinabi ni Tongol na gabay ito para sa maayos na presentasyon ng ebidensya at mga testigo ngunit hindi ito hard and strict rule.

“Katulad ng any provision ng mga rules natin, ito ay pinapasalang o pinapasunod sa atin para may orderly na pagpresentan ng mga ebidensya at mga testigo. Pero hindi naman ito hard and strict rule,” aniya.

Maaaring mag-adjust ang court depende sa kaso, sa oras na kailangan ng magkabilang panig, at sa pangangailangang maiwasan ang sobrang pagod sa mahahabang testimonya.

Sinabi niya na sisikapin pa rin ng court na isingit ang incidental oral arguments sa mga trial dates na naitakda na.

Sa ilalim ng Senate impeachment rules, sinabi ni Tongol na binibigyan ang bawat panig ng tig-isang oras upang ipaliwanag ang isang motion, kaya maaaring tumagal nang humigit-kumulang dalawang oras ang oral arguments sa mga insidente.

Inaasahang maghaharap ang prosecutors ng dalawang NBI agents ngayong linggo upang tumestigo sa mga video na may kaugnayan sa Article IV.

Kung maikli ang cross-examination kay Calilung, sinabi ni Tongol na maaaring maiharap ng prosecutors sa Miyerkoles ang susunod nilang testigo na si NBI Agent Lontok. Gayunman, sinabi niyang depende pa rin ito sa magiging takbo ng proceedings.

“Cross-examination po kay Calilung and kung maikli lang ang cross-examination then possible na maipresenta rin ang pangalawang testigo ng prosecution,” sabi ni Tongol.

Mas tumagal ang presentasyon nitong Martes kaysa noong unang araw dahil sa legal at evidentiary procedures.

Bahagi ng ordinary court proceedings ang pagmamarka, pag-identify at pag-authenticate ng ebidensya, gayundin ang mga tanong tungkol sa chain of custody at mga dokumento.

“So medyo pagpasensyahan lang po natin yun but it is necessary to keep the rights of all the parties in place,” dagdag niya.

May karapatan ang magkabilang panig na tumutol at humingi ng ruling mula sa impeachment court.

Nauna nang pinayagan ng impeachment court ang prosecutors na ipalabas ang dalawang minuto at 18 segundong video excerpt sa kabila ng objection ng defense na dapat ipakita ang buong dalawang oras na video.

Ibinasura rin ni Presiding Officer Senador Francis “Chiz” Escudero ang motion ng defense na i-exclude ang testimonya ni Calilung sa dahilang hindi umano ito bahagi ng Articles of Impeachment.

Itinabi muna rin ng court ang motion ni Senator-Judge Pia Cayetano na i-strike ang tugon ni prosecutor Armando Virgil Descartes Ligutan sa tanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros kung bakit maituturing na impeachable offense ang Article IV.

Sinabi ni Tongol na tatalakayin ang usapin sa susunod na panahon.

Hiwalay dito, sinabi ni Tongol na may limang araw ang depensa ni Vice President Sara Duterte upang magkomento sa subpoena requests ng House prosecutors para sa tax at bank records.

Sinabi niya na natanggap ng Clerk of the Impeachment Court ang mga request noong July 6, 3:35 p.m., at bibigyan ng kopya ang counsel ng respondent upang makapaghain ng comment o opposition.

Saklaw ng subpoena requests ang tax documents ni Atty. Manases Carpio at 22 businesses kung saan umano may interes si Duterte, gayundin ang bank records na hinihingi mula kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr. bilang chair ng Anti-Money Laundering Council.

Naipadala ng Impeachment Court Clerk ang BIR box noong July 7 at natanggap ito ng Office of the BIR Commissioner dakong alas-11:07 ng umaga.