DepED

CSC inaprubahan pagtanggap ng DepEd sa mga provisional teacher sa senior high school

186 Views

INAPRUBAHAN ng Civil Service Commission (CSC) ang hiling ng Department of Education (DepEd) na pahintulutan ito na i-renew ang provisional appointment ng mga guro sa Senior High School (SHS) na wala pang civil service eligibility na kailangan upang sila ay maregular sa trabaho.

Batay sa CSC Resolution No. 2200353 na may petsang Agosto 18, 2022, pinayagan ang DepEd na payagang makapasok ang mga provisional teacher na nagsimulang magturo sa SHS noong 2016 at 2017 kung may maipapakitang patunay na sila ay kumuha ng licensure exam kahit isang beses sa nakalipas na limang taon.

Matatandaang pinahihintulutan ng K to 12 Law ang pagtanggap ng mga hindi lisensiyadong guro para magturo ng mga specialized subject sa SHS, sa kondisyon na ang provisional teacher ay dapat makapasa sa Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) sa loob ng limang taon.

Dahil sa pandemya, ang pangangasiwa ng LEPT ay limitado na nakaapekto sa pagkuha ng pagsusulit ng provisional teachers mula pa noong 2020.

Noong 2021, hiniling ng DepEd sa Professional Regulation Commission (PRC) at CSC na unahin ang panawagan ng mga apektadong SHS provisional teachers na unang kinuha noong 2016 para ma-accommodate sa LEPT administration at muling italaga nang lampas sa 5-year allowable period.

Sa naunang utos ng CSC, pinayagan ang mga hindi pa pumapasa sa LEPT na ma-extend ng isang taon.

Samantala, nakikipag-ugnayan ang DepEd sa PRC upang muling buksan ang Online Application System nito upang ma-accommodate ang mga SHS provisional teachers na nabigong makakuha ng mga nakaraang LEPT sa nakatakdang pagsusulit ngayong Setyembre 2022.