Calendar
DA: Deficit sa agri trade ng PH bababa dahil sa ’24 exports revenues
INAASAHANG bababa ang agriculture trade deficit ng bansa sa pagpasok ng kita sa export ng Pilipinas noong 2024, ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sinabi ng kalihim na sa tulong ng mga agricultural attache sa buong mundo, nakamit ng Pilipinas ang tagumpay sa larangan ng agrikultura noong 2024.
Nagpatatag sa agricultural export ang mga tagumpay na ito at nagpalaki sa international partnerships at nagbukas ng mga bagong oportunidad sa mga magsasaka at mangingisda, mamumuhunan at negosyo.
“Ang tagumpay na ito nagpasok ng bilyon-bilyong pisong kita sa export na susuporta sa ating mga sakahan at sektor ng pangisda at kahit papaano mabawasan ang ating agricultural trade deficit,” sabi ni Tiu Laurel.
Sa Thailand, malaki ang papel ni DA attache Analyn Lopez para makapasok sa merkado ang apat na Philippine fishery establishments sa Vietnam.
Inalalayan din nito ang market expansion ng Philippine durian sa Malaysia at ang pakikilahok ng Pilipinas sa Thaifex ANUGA 2024 trade show kung saan P1.5 billion na kita ang naipasok.
Sa China, mahalaga ang nagawa ni DA Counsellor Jerome Bunyi sa partisipasyon ng Pilipinas sa China International Import Expo.
Nakita ang malakas na demand sa mga popular na produktong Pilipino tulad ng saging, durian, pinya at niyog at nagpapatuloy ang interes sa produkto ng Pilipinas sa agrikultura.
Sa ulat ni DA attache Nolet Fulgencio sa Belgium, nakatulong ang pagpasok sa merkado ng European Union noong 2023 ng pili nuts ng Pilipinas.
Inorganisa din niya ang mga pangunahing pulong upang ma-update ang mga stakeholder at DA officials sa mga regulasyon ng EU.
Naging mahalaga ang papel ng DA attache’ sa Dubai para iugnay ang Philippine exporters sa mga mamimili ng UAE at Saudi Arabia at nakipag tandem sa DA AMAS in AgraME 2023 na nagresulta sa P10.3 million na kita at dagdag na P84.97 million na negotiated deals.
Sa Switzerland, itinaguyod ni DA attache’ Marlito Cabunos ang mas malaking kaluwagan sa mga papaunlad na bansa sa Ministerial Conference ng World Trade Organization.
Naibalik ang interes sa mga produktong Pilipina sa European markets, partikular ang pag-export ng mangga mula sa Guimaras at artisanal fisheries.
Isinulong naman ni DA attache Dr. Josyline Javelosa ang multilateral at bilateral support para sa mga prayoridad sa Philippine agrifood systems.
Kasama siya sa nanguna sa pagbalangkas ng Action Plan for Uptake of Policy Products ng UN Committee on World Food Security (CFS).
Upang maisulong ang mas malawak na pagkakilanlan at pangangailangan sa mga produktong pagkain ng Pilipinas sa Italy, tumulong siya na mag-organisa ng mga aktibidad tulad ng paglulunsad ng ” Filipino Restaurants in Rome Guide” at “We Cook Filipino” na libro.
Sa South Korea, naging instrumento si DA attache’ Lev Nikko Macalintal sa pagtatatag ng Korea Agricultural Machinery Industrial Complex sa Cabanatuan, na layuning mapalakas ang produksyion ng agrikultura.
Nagtagumpay naman ni Agri Attache’ Maria Alilia Maghirang sa Tokyo na maipasok sa market access ng Japan ang mga sariwang Philippine hash avocados at inayos ang mga munting isyu sa pagpasok sa merkado ng saging, pinya at mangga.
Pinalakas din ni Maghirang ang ugnayang bilateral sa agrikultura sa pamamagitan ng bagong ODA at technical cooperation projects para sa departamento habang pinapanatili ang malusog na Philippine Agri Fisheries na kalakalan sa Japan na nagkakahalaga ng $1 billion.
Sa Estados Unidos, tinrabaho ni DA Agricultural Counsellor Lupiño Lazaro ang iba’t-ibang polisiya at trade forums tulad ng Philippines-US Food Security Dialogue (FSD) at Trade and Investment Agreement (TIFA) at tumulong na mapasok sa merkado ang mga produktong shrimp paste, pinya at mangga.
Nakatakdang makasama ni Lazaro si Assistant Agricultural Attache’ Anna Natalia Lazo sa Washington DC.
Naisulong din ng dalawang opisyal ang mga usapin sa bilateral agricultural at fisheries sa Argentina, Canada, Chile at Paraguay.