Calendar
DA, DTI maghananap ng paraan upang presyo ng bigas bumaba
MAGHAHANAP ng paraan ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) para maibaba ang presyo ng bigas sa mas rasonableng lebel.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tututukan nila ang imported na bigas subalit binigyang-diin na ang mga hakbang ng gobyerno higit pa diyan.
“Ang imported na bigas umpisa pa lamang. Plano naming palawakin ang pagtatakda ng price net upang maisama ang iba pang imported na mga pagkain gaya ng gulay at karne para sa pakinabang ng mga mamimili,” ani Tiu Laurel.
Sinabi naman ni DTI Secretary Cristina Roque, pinuno ng National Price Coordinating Council, na pupulungin niya ang interagency council upang i-review ang mga istratehiyang magpapatatag sa presyo ng mga pagkain para masiguro ang patas na presyuhan sa mga palengke.
“Nais naming magkaroon ng balanse sa pagitan ng katatagan ng negosyo at proteksiyon ng mga consumer,” sabi ni Sec. Roque.
Nasa proseso na ang dalawang ahensya na alamin ang maximum suggested retail price (MSRP) para sa bigas.
Layunin ng inisyatiba na payagan ang mga importer at retailer na mag-operate para kumita subalit masigurong hindi mahirapan ang mga consumer sa mataas na presyo.
Kasabay nito, ikinukunsidera ng DA ang pagdedeklara ng national food security emergency.
Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng kapangyarihan si Sec. Tiu Laurel na magpalabas ng reserbang bigas ang National Food Authority upang makatulong na maitaas ang supply at maibaba ang presyo ng ibinebentang bigas. Ang kalihim chairman din ng NFA Council.
Ire-review naman ng DTI ang regulasyon sa pagbebenta at pagtatatak ng manufactured goods at i-angkop ito sa mga produktong agrikultura, partikular sa bigas.
Ang mataas na presyo ng bigas nakadagdag sa mataas na inflation sa unang kalahati ng 2024, dahilan upang mapigilan ang Bangko Sentral ng Pilipinas na magbaba ng interest rates.
Kalimitan, gumagastos ang mga Filipino consumer ng halos P10 ng bawat P100 sa bigas.
Nagkasundo sina Tiu Laurel at Roque na magbalangkas ng memorandum of understanding upang mapabilis ang pagsisikap na matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang mahalagang mga bilihin.